Default Thumbnail

QCPD: Arestado chair ng UMLIF, babala sa Modus

May 8, 2022 Melnie Ragasa-limena 263 views

INANUNSYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Remus B. Medina ang pagkakaaresto ng Chairwoman ng United Muslim Lumad Inter Faith (UMLIF) na nambiktima umano ng mga kandidato kagabi sa Brgy. Socorro, Cubao, Quezon City.

Ayon sa report ng Cubao Police Station (PS 7) na pinamumunuan ni PLt. Col. Elizabeth Jasmin, kinilala ang suspek na si Aisha Noreen Estrada-Verano, 54, nakatira sa Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City.

Batay sa report, habang nasa Bauang, La Union sina Verano kasama ang dalawa pa na kinilalang sina Rocky Boadilla at Danny Martinez, sila ay nakahikayat umano ng 40 kandidato mula sa Norte at napaniwalang may koneksyon sila sa isa sa presidential aspirant na kung saan ay diumano ito ay magbibigay ng election fund.

Nagbigay ng P2,000 ang bawat isa sa mga biktima bilang registration fee upang makuha ang pinangakong pondo.

Dakong ika-6 a.m. ng Mayo 6, 2022, nakipagkita ang mga suspek sa Food Park Araneta City na matatagpuan sa kahabaan ng Gen. Roxas corner Times Square St., Brgy. Socorro, Cubao, Quezon City at ibinigay ng mga biktima ang nakolektang bayad.

Kalaunan, napaisip ang mga biktima na sila ay niloko at tinangay na ang kanilang pera. Agaran silang humingi ng tulong sa PS 7 na kaagad rumesponde kung kaya’t kaagad nadakip si Verano.

Samantala, ikinasa ang manhunt operation laban kina Boadilla at Martinez upang sila ay maaresto.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code.

“Pinupuri ko ang PS 7 para sa kanilang mabilisang pagtugon sa insidente na nagresulta sa pgkakahuli ng suspek. Maging babala po sana ito hindi lang sa mga kandidato, kundi pati na rin sa ating mga kababayan na mag-doble ingat sa ganitong modus. Huwag po basta magtiwala lalo na kung may perang involve. I also commend the presence of mind of the victims who reported the incident immediately and I would like to call on other victims of similar modus to come forward and press additional charges against the suspects,” ani PMGen, Felipe R Natividad, Regional Director ng National Capital Region Police Office. “Iba’t ibang klaseng modus ang ginagawa ng mga mapanlamang sa kapwa kung kaya’t maging mapagmatyag upag hindi maging biktima nito.”