Default Thumbnail

PH Army pinakilos ang task group kontra oil spill

March 18, 2023 Zaida I. Delos Reyes 210 views

PINAKILOS na rin ng 2nd Infantry Division (ID) ng Philippine Army (PA) ang kanilang “task group” upang tumulong sa Office of Civil Defense-Region 4B (OCD-R4B) sa kanilang isinasagawang cleanup operations sa perwisyong dulot ng oil spill sa Mindoro.

Ayon kay Lt. Col. Hector A. Estolas, hepe ng Public Affairs Office (PAO) ng 2nd ID, sa kasalukuyan, umabot na sa 13,755 pamilya mula sa mga munisipalidad ng Pola, Gloria, Naujan, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay, at Bulalacao ang apektado ng oil spill. Umabot na rin ito sa Caluya, Antique.

Matatandaang ang oil spill ay mula sa lumubog na MT Princess Empress sa katubigan ng Nauhan noong Pebrero 28. Ang barko ay may dalang 800,000 litro ng industrial oil.

Nauna rito, sinabi ni Estolas na noong Marso 4, pinakilos ng 203rd Infantry Brigade (IB) ang 203rd Task Group sa pamamagitan ng Joint Task Force Katagalugan para pangunahan ang plano para sa “Sagip Kalikasan Oriental Mindoro.”

Kasama rito ang iba’t-ibang disaster response team mula sa 76th IB, 68th IB, 4th IB, at Alpha Company ng 2nd Civil-Military Operations Battalion.

Sila ang magsisilbing suporta ng OCD-R4B, Philippine Coast Guard (PCG), at ibat’t-ibang Disaster Risk Reduction Management Offices (DRRMO), gayundin ng Oriental Mindoro LGUs (local government units) upang tugunan ang lumalalang pinsalang dulot ng oil spill sa lugar.

“Together with our partner agencies and LGUs, we have been continuously supporting the Office of the Civil Defense Region 4B in their efforts to immediately address the oil spill, and provide assistance to our kababayans as they go through these tough times,” pahayag ni 2ID Commander Maj. Gen. Roberto S. Capulong.