Default Thumbnail

Dating konsehal, sugatan sa pananambang sa Polomolol

March 18, 2023 Zaida I. Delos Reyes 207 views

SUGATAN ang dating konsehal at ngayon ay nagsisilbi bilang secretary ni Polomolol Mayor Berni Palencia makaraang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem (RIT) habang papasok sa kanilang opisina nitong Biyernes ng umaga.

Nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang biktima, nasa hustong gulang, at residente ng Polomolol, Cotabato.

Batay sa report ng Polomolok Municipal Police Station (MPS), lulan umano ang biktima ng kanyang sasakyan papasok sa Gate 3 ng municipal government compound nang paulanan ng bala ng mga suspek.

Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa katawan at mabilis na nadala sa pagamutan habang tumakas naman ang mga suspek.

Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga salarin.

Magugunitang noong buwan ng Enero 2023, tatlong kasapi ng Civil Security Unit (CSU) ng Polomolok LGU (local government unit) ang pinagbabaril at napatay ng mga hindi kilalang suspek at hanggang ngayon ay blangko pa rin ang mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng krimen.