Default Thumbnail

Payo kay Senador Pacman

July 14, 2021 Allan L. Encarnacion 417 views

Allan EncarnacionHINDI natin alam kung ano ang ending ng diborsiyo ng pagkakaibigan nila Senador Manny Pacquiao at Pangulong Duterte.

Umasim ang mala-pukyutang pagsasamahan ng dalawa dahil nagsimulang nagpakawala ng suntok si Pacman laban sa Duterte administration. Noong una, hidwaan lamang sa PDP-Laban sa pagitan nila Pacman at Energy Secretary Al Cusi.

Pero umabot na sa Palasyo ang awayan na pakiramdam ni Presidente Digong, siya na ang pinatikim ng jab ng kampeon dahil sa alegasyon ng korapsiyon sa pamahalaan.

Hindi direktang sinabi ni Manny na korap si Duterte pero inakusahan niya ang administrasyon ng pagiging tiwali. Bago lumipad sa Los Angeles si Pacman para mag-ensayo, nagpakawala na naman siya ng “jab, jab, straight” laban sa ilang ahensiya ng pamahalan.

Lalong uminit ang bumbunan ni Digong na alam naman nating hindi palalagpasin ang sinumang uupak sa kanya. Sa halip sana na nagpopokus na lamang si Pacman sa paghahanda kay Spence, naiistorbo tuloy siya ng mga isyu dito sa kanyang bansa, lalo na ang pag-uungkat ni Digong ng P2.2 billion tax case.

Ang tingin ko sa lahat ng nangyayaring ito ay nagkaroon ng miscalculation ang mga taong nakapaligid sa Pacman corner. Si Pacman ay may natural charisma, may unseen magnetic power na kayang magpadikit ng mga tao kahit hindi niya supporters.

Mishandling o maling taktika lamang ang tingin kong naging problema ngayon ni Pacman. Ang una ay ang paglalabas ng counter memo na pinipigilan ang PDP members na dumalo sa Zoom meeting.

Okey lang sana iyon kung sumunod sa kanya ang mga miyembro, ang problema, hindi pinansin ang kanyang utos bilang party President. Mahirap lumaban ang Presidente ng partido sa Presidente ng Republika.

Ang sumunod na maling aksiyon ay ang pagsibak kila Cusi at Transco President Melvin Matibag bilang PDP members na lalong inalmahan ni Digong. Maling taktika ang magwalis ng bakuran kung nasa labas ka ng bahay.

Hindi naman maiisip ni Manny ang lahat ng ito kung hindi siya bubulungan ng mga taong nasa kanyang paligid na katulad ni Senador Koko Pimentel. Bagama’t malakas ang Team Pacquiao as a boxer, sa tingin natin ay mahina ang kanyang Team Pacquiao sa political arena.

Wala namang makikipagdebate na may natural na lakas si Pacman sa pulitika pero sa tingin natin, mas magiging epektibo sana ito kung naghintay silang matapos ang laban kay Spence bago nagpakawala ng suntok.

Sa ngayon, bagama’t may linaw na kung sino ang mga kakandidatong Pangulo sa 2022, hindi mo pa rin puwedeng sabihin na hindi ito magbabago. Kung tama lamang ang timing, hindi imposible ang Sara-Pacman tandem or Pacman-Sara dahil parang kasal sa banig sina Digong at Manny mula pa noong una.

Pero dahil nasunog na nga ang tulay, baka hindi na ito mangyari.

Sa bandang huli, anuman ang sigalot sa pulitika ni kinapapalooban ni Pacman ngayon, patuloy tayong nananalangin na manalo siya laban kay Spence dahil bandila ng bansa ang nakataya.

Ang panawagan natin kina Koko at sa lahat ng mga taong pinakikinggan ni Manny, magluto muna kayo ng butong pakwan at popcorn habang naghihintay ng laban niya sa Las Vegas.

Relax muna, wala munang susuntok.

Pero ito ang payo koy Pacman, manalo man o matalo siya sa kanyang laban kay Spence, dapat ay magsumite na siya ng irrevocable resignation as PDP-Laban President para hindi na siya makaladkad sa awayan sa partido.

[email protected]