Paunlarin din ang edukasyon

June 3, 2022 Paul M. Gutierrez 86 views

PaulNANAWAGAN si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na bumalik na sa face to face classes sa darating na school year 2022-2023.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit 70 porsiyento na umano ng pampublikong paaralan ang nagsasagawa ng face to face classes.

Mula nagkapandemya noong 2020, napilitang mapunta sa distant learning ang mga mag-aaral at ang Pilipinas na ang may pinakamatagal na pananatili sa ganitong sitwasyon. At syempre marami ang mga naging problema dito dahil syempre biglaan at hindi talaga napaghandaan ang ganitong pangyayari.

Pero sabi nga, problemado na ang sektor ng edukasyon bago pa man ang pandemya mas lalo na ngayon. Syempre, nitong pandemya, nawala na ang problema sa kakulangan ng mga upuan at classroom hehe pero napalitan naman ng problema sa gadgets at internet connection.

Hindi pa nagkaroon ng training ang mga guro para sa ganitong setup at minadali rin ang mga module na kailangan para sa mga bata. Kaya naman lumitaw sa balita ang mga mali o kahinaan sa mga nasabing modyul.

Dahil hindi nga naging handa sa ganitong transisyon, nasakripisyo ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Maaaring hindi gaanong ramdam ang epekto nito ngayong pero tiyak na lalabas ang problemang ito.

Sa pagluluwag ng ating sitwasyon, may pangangailangan na talaga na maibalik ang mga mag-aaral sa kanilang mga eskwelahan dahil malaki ang nawawala sa kanilang pagkatuto. Pero syempre na hindi lamang basta ibabalik ang mga bata, may pangangailangan para sa reporma.

Kaya naman ikinatutuwa natin ang pahayag ni Senator Win Gatchalian na chairman ng Senate Committee ng Basic Education, Arts and Culture na kaniyang tututukan ang malawakang reporma sa sektor ng edukasyon sa pagsisimula ng 19th Congress.

Suportado syempre ni Sen. Gatchalian ang pagbabalik ng face to face classes hindi lamang para matugunan ang learning loss sa panahon ng pandemya kundi para magkaroon ng pagsigla sa ekonomiya ng bansa. Sa taya ng National Economic and Development Authority (NEDA), nasa 22 trilyong piso ang nawala sa bansa dahil sa dalawang taong nasa online classe ang mga bata.

Syempre naman, maraming negosyo ang umiikot ang buhay sa pangangailangan ng mga pamantasan at paaralan kapag bukas ang mga klase. Magmula sa mga isusuot at gagamitin ng mga bata, sa kanilang transportasyon, sa kanilang mga kakainin at iba pang gastusin na may kinalaman sa kanilang pag-aaral gaya ng mga field trip, malaki talaga ang nawawala sa ekonomiya.

Maganda rin na nabanggit ng senador ang pangangailangan na iangat din ang kabuhayan ng mga guro sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang mga sahod dahil talaga namang hindi rin biro ang problemang kinakaharap ng mga ito.

Nasa 25 mag-aaral lamang sa isang classroom ang nasa rekomendasyon subalit dahil sa kakulangan ng guro, napipilitan ang mga paaralan na pagkasyahin ang nasa 40 hanggang 60 mag-aaral sa isang klase.

Tapos mababa lamang ang sahod na kanilang matatanggap talagang hindi maeenganyo na magturo ang mga guro kung ganito. Kaya ang iba talagang mas pinipili pa maging domestic helper sa bansa dahil may kailangan silang buhaying pamilya.

Kung talagang gusto nating mapaunlad ang sektor ng edukasyon, may pangangailangan na seryosohin talaga ang pagpapataas ng badyet para dito. Hindi maaaring lagi na lamang nasasakripisyo ang edukasyon ng mga kabataan.

Iyon ay kung gusto talaga natin silang maging matalinong mamamayan ng ating bayan kailangan silang pondohan.

Maliban na lang kung gusto talaga natin silang maging mga tagaboto lang ng mga trapo, turuan na lang natin silang maglinis ng inidoro.

AUTHOR PROFILE