Kompiyansa sa hustisya dahil kay judge

June 3, 2022 Allan L. Encarnacion 96 views

Allan EncarnacionHINDI pa rin ako nawawalan ng pag-asa sa sistema ng ating hustisya.

Hangga’t may mga hukom na magiging instrumento ng pagbabagong buhay ng mga nabibilango’t nagkakasala, buhay pa rin ang katarungan sa ating bayan.

Nasaksihan natin ang dalawang magkasunod na hatol ng isang hukom sa dalawang magkaibang kaso.

Ipagpaumanhin nyo muna dahil hindi ko matutukoy kung saan ito at kung sino ang hukom.

Pero isusulat ko pa rin kahit nameless dahil magbibigay ito ng inspirasyon sa ating lahat, lalo na’t marami sa ating mga mahihirap na kababayan ay wala nang kompiyansa sa sistema ng ating hustisya.

Case number one, naabsuwelto ang akusado sa droga dahil technical sa issue at hindi merito ng kaso.

Dahil video conference ang promulgation mula sa korte at kulungan, hiniling ni judge na off the record dahil kakausapin niya via video ang naabsuwelto.

Ipinaliwanag ni judge na hindi ibig sabihin na nadismis ang kaso ay hindi na siya naniniwala sa kasalanan ng akusado.

Natuwa tayo sa ating narinig, hindi ko alam na may ganoon pa palang hukom.

Parang magulang na pinayuhan ni judge ang naabsuwelto na magbagong buhay at tiyaking hindi na masasangkot sa droga para hindi na bumalik sa selda.

Case number 2: probation ang naging hatol, ibig sabihin, palalayain pero may mga kondisyon na itinakda ang korte.

Kinausap din at parang magulang na nagpapayo sa kanyang anak si judge na ikasasaya mo kung napapakinggan mo.

Ramdam na ramdam natin ang sinsiridad no judge kaya parang tumama ako sa lotto sa tuwa ko sa aking personal na nasaksihan.

Gusto kong tumayo at saluduhan si judge pero pinigilan ko ang aking sarili. Alam n’yo naman sa korte, dapat may tamang asal at tamang kilos.

Ano ba ang gusto nating ipunto rito? Ibig sabihin, may mga vanishing traits tayong nakita kay judge na ikalulugod nating lahat. Puwede pala tayong makakita ng judge na ramdam mo ang malasakit sa lipunan at sa kanyang mga mamamayan.

Sa tingin ko, tinamaan din ang mga naabsuwelto sa mga sinabi ni judge dahil tagos sa puso ang kanyang mga payo.

Kung ganitong klase ng mga judge ang hahawak ng mga kaso ng
mga taong kaya pang baguhin ng hustisya, magandang balita ito para sa ating henerasyon. Sisikatan pa talaga ng araw si judge!

Umaasa tayong isang araw ay makikita natin sa Korte Suprema ang judge na ito dahll ganito ang kailangan nating hukom para manumbalik ang tiwala ng ating mga kababayan sa ating sistema ng hustisya.

Hihintayin ko lang umikot ang panahon at tiyak na may patutunguhan si judge.

Kaya maling paratangang hoodlum in robes ang ibang nasa hudikatura dahil marami pa rin ang matino gaya ni judge.

allanpunglo@gmail.com