Default Thumbnail

PASAHERO Party List isusulong Magna Carta of Commuters

November 9, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 423 views

Sakaling magwagi sa Kongreso sa May 2022 elections:

KAPAKANAN ng mga pasahero, pangunahing isusulong sa Kongreso.

Ito ang pangako at paniniguro ng PASAHERO Party List sakaling magwagi sa darating na eleksyon sa Mayo 2022.

“Napapanahon na para bumuo naman tayo ng batas na mangangalaga at magsusulong sa kapakanan ng ating mga pasahero, lalo na ngayong panahon ng pandemya,” ayon sa tagapagsalita ng partido na si Atty. Homer Alinsug.

Ayon kay Alinsug, bago pa man nagka-pandemya, malaking hamon na sa araw-araw ang hinaharap ng mga commuter dahil sa mga problemang pang-transportasyon. Naging mas matindi pa aniya ito sa panahon ng COVID, dahil sa mga ipinatupad na lockdown at ang paiba-ibang antas ng mobility restrictions.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Alinsug na ang panukalang Magna Carta of Commuters (Commuters Bill of Rights) ang magpapatibay sa karapatan ng mga mananakay.

Kabilang sa mga ito ang karapatang maging ligtas sa biyahe; karapatan sa malinis na transportasyon; karapatang mabigyan ng kaukulang atensyon sa oras na madiskaril ang sinasakyang PUV at karapatan sa tamang impormasyon hinggil sa epektibo at mas kampanteng pagbibiyahe.

Mababatid na ilang panukalang batas na ang nagsulong sa Magna Carta of Commuters sa dalawang sangay ng Kongreso, subalit nanantili itong nakabimbin sa Senado, makaraang pumasa ang consolidated version nito sa committee level sa Kamara.

Ani Alinsug, posibleng hindi na maisabatas ang naturang panukala sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon dahil iilang buwan na lamang ang natitira rito, at sa mga susunod na buwan ay nakatuon na rin sa kampanya ang ilang mambabatas.

“Pagsisikapan talaga naming maisabatas sa susunod na kongreso ang Magna Carta of Commuters. Panahon na para yung mga pasahero naman ang bigyan natin ng tamang atensyon at pangangalaga. Ito dapat ang isa sa mga prayoridad ng gobyerno,” saad pa ni Alinsug.

Ang PASAHERO (Passengers and Riders Organization Inc.,) Party-list na kumakatawan sa mga commuter ay kinilala ng Commission on Elections bilang party-list candidate sa May 2022 national elections.

AUTHOR PROFILE