Default Thumbnail

Partners in crime tiklo sa shabu

July 9, 2023 Edd Reyes 260 views

BINUWAG ng pulisya ang pagiging mag-partner-in-crime ng magkapitbahay sa pagbebenta ng ilegal na droga nang madakma sa buy-bust operation Linggo ng madaling araw sa Navotas City.

Nakumbinsi ni Reynaldo Acedera, alyas “Kalbo,” 43, ng Blk 3, Lot 40, Site 8, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan ang kapitbahay na si Jenalyn Lumapac, alyas “Bibeng”, 42, na maging kasosyo niya sa pagbebenta ng shabu matapos ipangalandakan ang malaking kinikita sa ilegal na gawain.

Ang hindi alam ng dalawa, tinitiktikan na pala nina P/Capt. Luis Rufo, Jr. hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang kilos ni “Kalbo” matapos pumutok ang kanyang pangalan na sangkot sa malakihang bentahan ng shabu sa Barangay NBBS.

Dakong alas-3:20 ng madaling araw nang kumagat ang dalawa sa pain ng mga tauhan ng SDEU hinggil sa pagbili ng P500 halaga ng shabu sa Matangbaka St. Brgy. NBBS-Dagat-Dagatan na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr. sinabi ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig na nakumpiska nila sa dalawa ang 55.27 gramo ng shabu na may halagang P375,836 pati na ang P500 markadong salapi at isang unit ng cellular phone na gamit nila sa pagsasagawa ng transaksiyon.

AUTHOR PROFILE