Fire

Paralisadong lolo, 72, patay sa sunog sa Pasay

February 10, 2024 Edd Reyes 128 views

ISA ang patay at tatlo ang sugatan sa sunog na umabo sa may 50-kabahayan Biyernes ng hapon sa Pasay City.

Hindi na halos makilala ang bangkay ng 72-anyos na biktima nang makuha ng mga tauhan ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP) matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay, habang nilapatan kaagad ng lunas ang mga sugatang sina Wilmar Elizear, 65, Darwin San Miguel, 54, at fire volunteer Roderick Sandejas, 52, na pawang nagtamo ng paso sa bahagi ng kanilang katawan.

Ayon sa anak na biktima na si Rosalie, paralisado at nakaratay na lamang sa kama sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay ang kanilang ama matapos ma-stroke kaya’t hindi na nakalabas nang sumiklab ang apoy dakong alas-2:25 ng hapon sa hindi pa malamang dahilan.

Tinangka pang sagipin ni San Miguel ang biktima subalit hindi na siya makapasok sa bahay ng matanda dahil sa matinding init ng apoy na tumupok na rin sa mga katabing kabahayan, pati na sa barangay hall sa naturang lugar.

Dakong alas-3:38 nang makontrol ng mga bumbero ang sunog na umabot sa ikalawang alarma hanggang ideklarang fire out ng alas-4:31 ng hapon.

Ipinagamit naman pansamantala ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang Zamora Elementary School bilang pansamantalang tuluyan ng may 68-pamilyang apektado ng sunog bago sila inilipat sa Covered Court ng Barangay kung saan binigyan ang mga nasunugan ng ayuda ng lokal na pamahalaan, pati na rin ng mga pangunahing pangangailangan.

Inaalam pa ng mga arson investigators ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa tinatayang P450,000.00 halaga ng mga ari-arian.

AUTHOR PROFILE