Crime

Parak nakadedo dahil sa sinigang na baboy

August 8, 2023 Edd Reyes 318 views

MAINIT na ang ulo ng pulis na namaril sa kanyang mga kasamahan nang dumating sa kanilang opisina na nasa loob ng punong himpilan ng pulisya bago magtanghalian noong Lunes sa Taguig City.

Ito ang nilinaw ni Taguig police chief P/Col. Robert Baesa matapos mapaulat sa ilang pahayagan na uminit ang ulo at pinagbabaril ni P/CMS Al-Rakib Aguell ang mga kasamahan nang makitang baboy ang ulam sa kanilang pananghalian.

Ayon kay Col. Baesa, maingat ang kanyang mga tauhan pagdating sa pagkaing iniluluto dahil nga may mga Muslim na pulis sa kanilang hanay.

Sinabi niya na noong maganap ang madugong insidente, hindi inakala ng kanyang mga kasamahan na pupunta pa siya sa opisina dahil hindi siya dumalo sa flag raising ceremony noong Lunes kaya’t pinayagan ang kanilang kusinero na magluto ng sinigang na baboy.

Sinabi ng opisyal na nakadagdag na lang sa init ng ulo ni Aguell ang nilutong pagkain kaya’t nagawa niyang pagbabarilin sina P/EMS Heriberto Saguiped na mas mataas ang ranggo matapos ang kanilang pagtatalo at isinunod si P/Cpl. Alison Sindac na nagtangka lamang umawat.

Nasawi si Saguiped habang nananatili pa rin sa kritikal na kondisyon sa Intensive Care Unit (ICU) ng Medical Center Taguig si Cpl. Sindac na nagtamo ng tama ng bala sa ulo.

Nasa ligtas namang kalagayan si Aguell sa naturang pagamutan makaraang maisailalim sa operasyon sa mga tama ng bala sa mukha, leeg at likod.

Ayon kay Col. Baesa, nasaksihan ng isa pang tauhan ng CAS na si P/Cpl Jestonie Señoron ang ginawang pamamaril ni Aguell sa kanyang mga kasamahan at sa pangambang pati siya ay idamay sa pamamaslang, nagkubli muna siya sa ligtas na lugar bago binunot ang baril at pinuntirya ang suspek upang matigil sa pamamaril.

AUTHOR PROFILE