Bakal pinasikat, sinikwat ng parak
NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions ang isang 24-anyos na sales clerk matapos matimbog sa pagdadala ng improvised na baril sa Tondo, Manila Lunes ng gabi.
Nakilala ang suspek na si Ruel Almario, ng Inocencio St., Tondo.
Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., commander ng Manila Police District-Moriones Police Station 2, naaresto si Almario bandang 9:30 ng gabi habang nagsasagawa ng Enhanced Managing Police Operation (EMPO) sina Police Staff Sergeant Ric Carlo Dela Cruz at Police Staff Sergeant Ryan Rueda sa kanilang area of responsibility.
Naroon ang dalawang pulis nang tumawag ang desk officer ng Padre Algue Police Community Precinct. Inutos ni Police Captain Allan Rosca na respondehan at arestuhin ang lalaki, ayon sa report.
Agad na dinisarmahan ang binata at nabawi sa kanya ang pinagyayabang na improvised gun.