Default Thumbnail

Panglahatang institusyon Politikal

April 24, 2021 Magi Gunigundo 358 views

SABI nila Daron Acemoglu at James Robinson ( Why Nations Fail?[2012]) na bigo ang mga bansa na lutasin ang kahirapan at pagdurusa ng kanilang mamamayan sapagkat mapanghuthot ang umiiral na mga institutusyong politikal at ekonomiya. Kailangan mapalitan ang dalawang ito ng malawak na panglahatan na institusyong politikal at ekonomiya upang lumago at umunlad ng tuluyan ang isang bansa.

Sa konteksto ng Pilipinas, namamayagpag pa rin ang mga political dynasties na may monopolya sa kapangyarihan sa iba’t ibang barangay, bayan, lungsod , lalawigan at rehiyon. At dahil sumusunod ang pera sa mga may kapangyarihan, ang mga negosyante ay nagkakandarapa sa pagsuporta sa mga kandidato ng mga political dynasty na magbibigay sa kanila ng mga kontrata ng pamahalaan at ayuda para maungusan ang mga karibal. Ang mga pulitiko naman ay umaasa ng ayudang pinansyal sa mga negosyante sa susunod na halalan. Isa itong bulok na bilog na sistema na panahon pa ng mga Kastila magpasahangga ngayon ay hindi mawasak wasak. Nakadalawang EDSA na tayo pero bigo ang mga Pilipino na mapalitan ang mapanghuthot na institusyong politikal.

Mayroon mga naiinggit sa kaunlaran ng Komunistang China sa panahong ito. Daan milyon ang bilang ng mga Intsik na nahango sa kahirapan sa ilalim ng diktaturyang pamahalaan nito at papalawak ang impluwensya ng bansang ito sa kanilang Belt and Road Initiative na nag-aalok ng tulong pinansyal sa mga bansa para makapagpatayo ng iba’t ibang uri ng imprastruktura.

Tinagurian ni Acemoglu at Robinson ang paglago ng China na “authoritarian growth”, isang tanyag na kabaligtaran ng “Washington consensus” na binibigyang diin ang kahalagahan ng merkado at liberalisasyon ng kalakalan. Marahil ang higit na gayuma nito sa mga namumuno sa mga mapang-agaw na institusyon politikal – ay ang pagbibigay sa kanila ng libreng kalayaan sa pagpapanatili at patuloy na pagpapalakas ng kanilang paghawak sa kapangyarihan at gawing lehitimo ang kanilang paghuhuthot ng kayamanan ng bansa. Nagbabala ang dalawa na sa pangmatagalan, hindi mapapanatili ang paglagong ito.

Si Dai Guogang ay kinilala ang paparating na urban boom sa Tsina nang maaga pa. Ang mga bagong kalsada, sentro ng negosyo, tirahan, at mga skyscraper ay kumakalat saan man sa paligid ng Tsina noong dekada 1990, at inakala ni Dai na ang paglago na ito ay makakakuha lamang ng bilis sa susunod na dekada. Nangangatwiran siya na ang kanyang kumpanya, ang Jinagsu Tieben Iron at Steel, ay maaaring makakuha ng isang malaking merkado bilang isang tagagawa ng murang bakal, lalo na kumpara sa mga hindi mabisang pagawaan ng bakal na pagmamay-ari ng estado. Plano ni Dai na magtayo ng isang totoong higanteng kompanya ng bakal, at sa suporta mula sa mga lokal na boss ng Partido Komunista sa Changzhou, nagsimula siyang magtayo noong 2003. Gayunpaman, noong Marso 2004, ang proyekto ay pinahinto sa pamamagitan ng kautusan ng partido Komunista ng Tsina sa Beijing, at si Dai ay dinakip para sa mga kadahilanang hindi malinaw. Ginugol ni Dai ang sumunod na limang taon sa bilangguan at pagkapiit sa bahay. Siya ay napatunayang nagkasala sa isang menor na krimen noong 2009. Ngunit ang kanyang tunay na krimen ay ang kanyang pasya na simulan ang isang malaking proyekto na makikipagkumpitensya sa mga kumpanyang pag-aari ng estado at gawin ito nang walang pag-apruba ng mga mas mataas sa Partido Komunista sa Beijing.

Ang reaksyon ng Communist Party sa mga negosyante tulad ni Dai ay hindi dapat maging isang sorpresa. Si Chen Yun, isa sa pinakamalapit na mga kasama ni Deng Xiaoping at masasabing pangunahing arkitekto sa likod ng maagang mga reporma sa merkado ng Tsina, ay nagbuod ng mga pananaw ng karamihan sa mga kadre ng partido na may isang “ibon sa isang hawla” na pagkakatulad para sa ekonomiya: ang ekonomiya ng Tsina ang ibon; ang kontrol ng partido, ang hawla, at ito ay dapat na palakihin upang maging mas malusog at mas dinamiko ang ibon, ngunit hindi dapat buksan ang pintuan nito sapagkat baka makawala ang ibon at tuluyang lumipad ito. Si Jiang Ze min, ang pangkalahatang kalihim ng Partido Komunista noong 1989, ang pinakamakapangyarihang posisyon sa Tsina, ay binuod ang hinala ng partido sa mga negosyante sa pamamagitan ng pagkilala sa kanila bilang “mga negosyanteng maka- sarili ,mga manloloko , nanunuhol at umiiwas sa pagbabayad ng buwis. ”

Sa kabila ng kamakailang diin sa Tsina sa pagbabago at teknolohiya, ang paglago ng Tsina ay batay sa pag-aampon ng mga umiiral na teknolohiya mula sa Kanluran at pera ng mga namumuhunang banyaga. Subalit magpasahanggang ngayon , tulad ng sinapit ni Dai, may mga negosyante na dinadakip, kinumkumpiska ang negosyo at mga ari-arian dahil nagalit ang mataas na pinuno sa Beijing. Ang Partido Komunista ng Tsina ay kinokontrol ang buong burukrasya ng estado, ang sandatahang lakas, ang media, at ang malaking bahagi ng ekonomiya. Ang mga mamamayan ng Tsina ay may kaunting mga kalayaan sa politika at kakaunti ang pakikilahok sa prosesong pampulitika. Ngayon ang kontrol ng partido sa media, kasama ang internet, ay walang kapares.

Dahil dito , hindi makakatulong ang pagkikipag mabutihan sa Komunistang China sa pagpapalit ng institusyong politikal ng ating bansa.

AUTHOR PROFILE