Default Thumbnail

Pekeng medical supplies, timbog sa CIIS-MICP, PCG, NBI

April 25, 2021 Vic Reyes 375 views

KAGAYA ng graft and corruption sa gobyerno, mahirap talagang matigil ang illegal drugs sa bansa.

Sa totoo lang, 14 na buwan na lang ang naiiwan sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte pero nandyan pa rin ang problema sa droga.

Huwag nating kalimutan na ang pagbaka sa illegal drugs ang pangunahing programa ni PRRD.

Sa tingin ng marami ay napabayaan ng mga nakaraang administrasyon ang problema.

Kalat na ang problema nang maupo sa Malakanyang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginagawa naman lahat ni Duterte para matigil ang problema.

Sadya nga lang napaka-enterprising ang mga nagpaparating ng mga iligal na droga sa bansa.

Noon nga lang nakaraang Biyernes ay ine-report ng BoC-Port of NAIA ang pagkakasakote ng shabu sa isang warehouse sa Pasay City.

Nagkakahalaga ng P1.6 milyon, ang shabu ay nakalagay sa mga lalagyan ng tea o tsa.

Nadiskubre ang mga shabu nang binuksan ang tea products’ packaging.

Ang pakete ay deklaradong naglalaman ng pagkain.

Galing ang pakete sa Malaysia at ipinadala ng isang Yong Lee Chei sa isang taga-Caloocan City.

Ang sample na ipinadala sa PDEA ay positibo na shabu ang laman ng pakete at hindi tsa.

Ang operasyon ay isinagawa ng Port of NAIA sa tulong ng PDEA at NAIA’s Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.

Ang Port of NAIA ay pinangungunahan ni District Collector Mimel M. Talusan.

***

Dapat magpasa ang Kongreso ng isang batas na magtatakda ng mas mabigat na parusa sa mga ismagler ng mga pekeng medical supplies.

Marami ang mapapahamak kung makakalusot sa aduana ang mga pekeng produkto na ito.

Maaaring mamatay pa ang taong gagamit ng mga pekeng produkto.

Hindi dapat pabayaan ang mga nagpaparating ng ganitong uri ng produkto.

Kagaya na lang ng mga taong nasa likod ng ismagling ng mga pekeng medical supplies na nakita sa isang storage facility sa Binondo, Manila.

Ang mga kontrabando ay kinabibilangan ng mga face mask, respirator, lotion, cream at cosmetics.

Ang mga medical supply at cosmetic products ay hindi aprobado ng FDA para i-distribute sa bansa.

Ang operasyon ay ginawa ng CIIS-MICP sa tulong ng PCG at NBI.

Sinabi ni CIIS-MICP Chief Alvin Enciso na ang importer ay mahaharap sa posibleng violation ng CMTA.

“Bringing fake medical supplies is particularly worrying,” ayon kay Enciso.

Ayon kay MICP District Collector Romeo Allan R. Rosales, hindi sila titigil ng paghabol sa mga ismagler bilang pagtalima sa utos ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.

***

Sana huwag ng makialam ang mga politiko sa mga community pantry.

Pabayaan na lang sa mga residente ng komunidad ang pagpapatakbo nito.

Kung gusto namang tumulong ng mga politiko, magbigay na lang sila ng hindi na kailangang ipaalam pa sa taumbayan.

Ang mga “community pantry” ay pagpapatunay lang na talagang matulungin ang mga Pilipino. Likas ang “bayanihan” sa puso ng bawat mamayan.

Mabuhay kayong lahat!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE