Default Thumbnail

Bank Account sa bawat Pinoy

April 24, 2021 Marlon Purification 394 views

ILANG financial assistance na ang ipinamamahagi ng gobyerno sa mga apektado ng COVID 19 pandemic subalit marami pa rin ang umaangal sa tagal ng proseso.

Kaya naman nakikita nating maganda ang panukala ni Senator Win Gatchalian na awtomatikong bigyan ang bawat Filipino ng bank account.

Layun ng ihahaing panukala ni Gatchalian na mapabilis at maisaayos ang sistema ng pamamahagi ng ayuda mula sa gobyerno sa mga darating na panahon.

“Ngayong meron na tayong national ID, may isang batas akong gustong i-file na may kaugnayan sa national ID. Ang tawag ko dito ay “One Filipino, One Bank Account”. Dapat mandatory na bigyan ng pamahalaan ang lahat ng mga naninirahan dito ng bank account. Importante na gumamit na tayo ng teknolohiya,” pahayag ni Gatchalian.

“Kapag ganitong may pandemya, remit na lang nang remit sa bank account at doon tatanggap ng ayuda, bahala ka na kung paano mo gagamitin ang ayuda na ‘yun,” dagdag ng senador.

Tanong pa ng mambabatas – sino na ngayon ang magpapamahagi ng ayudang cash sa mga tao kung ‘yung mismong tagabigay nito ay nahawaan rin ng COVID-19?

Ayon sa Vice Chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies, ang pagkakaroon ng bank account ay hindi na dapat ituring na luho, bagkus, ito’y gawing basic requirement sa bawat Pilipino sa bansa anuman ang kanyang katayuan sa buhay.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na makakatulong sa bawat Pilipino ang pagkakaroon ng bank account lalo na sa contactless at cashless payments gamit ang cellphone na maaari ring magsilbing digital wallet.

Batay sa datos na nakalap ni Gatchalian, nasa 74 milyong Pilipino ang gumagamit ng smartphones noong 2019.

Ang ganitong klase ng mobile phones ay maaaring magkaroon ng software applications kung saan ang paraan ng pagbabayad ay idadaan sa scanning o card readers.

Sa 2019 financial inclusion survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), napag-alaman na nasa 51.2 milyong Pilipino o 71 milyon sa kabuuang populasyon ng adult Filipinos ang walang bank account at ang katwirang ibinigay ng karamihan sa kanila ay ang kawalan ng perang pang deposito.

Nasa 27% ang nagsabi na hindi nila kailangan ng bank account at ang dahilan ng 26% ay ang kawalan ng sapat na kailangang requirements o dokumento.

Sa nasabi ring survey, tumaas sa 38% ang nagsabing mayroong sapat na kaalaman tungkol sa online payments gamit ang kanilang smartphones.

Ang 42% naman sa kanila ay gumagamit ng internet ng isang beses sa loob ng isang buwan.

Sa 42%, 86% sa kanila ang gumagamit ng internet gamit ang mobile data ng kanilang telepono. Ayon sa BSP, dahil sa kaalamang ito sa teknolohiya ay dumami pa ang nag-o-online payment methods na.

Samantala, batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 82% ng 10.2 milyong nagparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) o ang tinaguriang national ID system ay nagsabing wala silang bank account.

Target ng ahensiya na umabot sa 70 milyong Pilipino ang magparehistro ngayong taon.

Nakikita rin natin na ang panukalang ito ay magbibigay ng pagkatuto sa lahat ng Pinoy sa paggamit ng teknolohiya lalo na ang mga cashless payment dahil sa ayaw man natin at sa gusto ay doon na rin patungo ang mundo.

Ang dapat lamang nating bantayan na kung maipasa ang panukalang ito ay agad din sanang maipatupad at huwag matulad sa naging problema sa National ID System na natagalan sa implementasyon matapos maisabatas.