Marlon

Pagpapatatag sa Arabic Language, Islamic Values Education muling isinusulong ni Gatchalian

March 18, 2024 Marlon Purification 98 views

SA gitna ng isang buwang paggunita ng Ramadan, muling itinulak ni Senador Win Gatchalian ang institusyunalisasyon ng Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) sa lahat ng private at public basic education schools sa bansa sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ay nakapaloob sa Arabic Language and Islamic Values Education Act o Senate Bill No. 382, na naglalayong magbigay sa mga mag-aaral na Muslim Filipino ng nararapat at napapanahong oportunidad sa edukasyon. Sakop ng panukalang batas ang mga mag-aaral na naka-enroll sa Alternative Learning System (ALS).

Sa ilalim ng panukala, sisiguraduhin ang pakikilahok ng lahat ng Muslim Filipino learners sa pagpapaunlad, pagpapatatag, at pagkakaisa ng bansa.

Ayon sa panukala, sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng mga magulang o guardians, ang mga mag-aaral na Muslim at non-Muslim Filipino ay maaaring kumuha ng asignaturang Arabic Language o Islamic Values Education, o pareho.

Ang pagtuturo ng wikang Arabic ay may layong mapalawak ang functional literacy ng mga mag-aaral sa Arabic.

Ang pagtuturo naman ng Islamic values ay gagabay sa mga mag-aaral na maging makatao, makaDiyos, makakalikasan, at makabayan. Ang edukasyon sa Islamic values ay magbibigay diin din sa interfaith dialogue, multiculturalism, at paggalang sa mga pagkakaiba sa paniniwala.

Dagdag ni Gatchalian, ang punakalang hakbang ay magbibigay ng mga pasilidad, kagamitan, textbooks at instructional materials, at magrerecruit at magsasanay o magpapalakas ng kakayahan ng mga asatidz o mga guro sa komunidad ng mga Muslim-Filipino.

Kabilang sa magpapalakas ng kakayahan ng mga asatidz ang mga tagapagsanay, tagapamahala, at mga administrator. Ang panukalang batas ay may layon ding magbigay ng technical at financial educational assistance sa mga DepEd-accredited na pribadong madaris, o paaralan sa salitang Arabic.

“Sa pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa, mahalagang tiyakin nating hindi mapag-iiwanan ang mga kababayan nating Muslim.

Bilang pagkilala na rin sa kanilang mahalagang papel sa kaunlaran at pagkakaisa ng ating bansa, isinusulong natin ang pagtatatag ng ALIVE Program bilang mahalagang bahagi ng ating sistema ng edukasyon,” said Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Sa kabuuan, nais ng panukalang batas na magtatag ng isang ALIVE Program Multi-Year Roadmap, na gagabay sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong stakeholders para sa implementasyon ng programa. Tatakbo ng limang taon ang nasabing roadmap.