Lito Lapid

“No Permit, No Exam Policy”, Laos Na

March 18, 2024 People's Tonight 174 views

KAMAKAILAN lamang ay nilagdaan ng Pang. Bongbong Marcos ang R.A. No. 11984 o ang “Anti-No Permit, No Exam Act,” kung saan ang inyong lingkod ay nagsilbing isa sa mga may akda.

Layunin nito na ipagbawal ang polisiya sa mga paaralan na hindi pinahihintulutan ang mga mag-aaral na hindi pa nakakabayad ng matrikula na kumuha ng periodic examination.

Bago ang batas na ito, ay maraming private schools ang tumatanggap ng tuition na hulugan o installment basis. Para makatiyak na magbabayad ng tuition ang mga estudyante ay hindi sila pinayagan kumuha ng periodic examination hanggang hindi nakakabayad ng hulog o installment.

Sa kasamaang palad, ang mga estudyante na ang mga magulang ay kinapos sa pambayad, marahil nawalan ng trabaho, nalugi ang negosyo, o tinamaan ng delubyo, ay hindi nakakasabay sa pagsusulit ng kanilang mga kaklase.

Kumukuha na lamang sila ng make-up examination kapag nakakalap na sila ng pambayad sa matrikula.

Sa isang banda, gusto nating manatiling operational ang mga private school kaya gusto natin na nakapaniningil sila ng matrikula.

Subalit nakasisira sa educational momentum ng bata ang patigil-tigil nilang pag-aaral.

Kawawa naman ang mga estudyante na nag-aral, nag-review, subalit hindi nakapag-exam dahil kapos at mahirap ang pamilya.

Sa ilalim ng bagong batas, bawal na ang “No Permit, No Exam” Policy.

Pinapayagan ang mga estudyante na mag-exam kahit may kulang pa sila sa matrikula. Pinapayagan naman ang mga paaralan na hindi magbigay ng grado o clearance, at pagbawalan na mag-enrol sa susunod na pasukan ang mga estudyante na may natitira pang bayarin sa matrikula.

Pinapayagan din ng batas na pag-usapan ng magulang at ng paaralan ang paraan ng pagbabayad sa pamamagitan ng korte o ng alternatibong paraan ng pagkakasundo.

Hindi po kasalanan ng ating mga estudyante na kapusin sila ng pambayad sa tuition. Bigyan po natin sila ng bawat pagkakataon na makapag-aral nang matiwasay, maayos at ingatan po natin sila palagi.

Mabuhay po ang mga magulang na patuloy rin ang pagsisikhay at pagsusumikap na mapagtapos ang kanilang mga anak.

Tulad ko po, hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo kayat high school lang ang inabot ko dahil sa mahirap lang kami noon.

Gayunman, sinikap ko rin na mag-trabaho bilang stuntman at aktor para mapag-aral ang aming mga anak at mga apo.

Sabi nga ng matatanda sa una, edukasyon lang ang maipamamana natin sa mga anak na hindi kailanman mananakaw ng iba.

Ang inyo pong lingkod sa Senado ay patuloy na magsusulong ng mga mahahalagang panukalang batas na makatutulong sa mahihirap at mas nakararaming Pilipino. Ni Lito Lapid

AUTHOR PROFILE