Pagmamatyag sa mga CBW, pinaigting pa ng BoC

February 20, 2022 Vic Reyes 82 views

Vic ReyesLalo pang piinaigting ng Bureau of Customs (BoC) ang pagmamatyag sa mga Customs Bonded Warehouses (CBWs).

Ginawa ito ng BoC para masigurong sumusunod ang mga ito sa warehousing laws, rules at regulations.

Layon rin ng ahensya na siguruhing sumusunod ang mga CBW sa international best practices.

Sa ilalim ng batas, ang BoC ay may kapangyarihang mag-inspect at mag-audit ng mga CBW at bonded goods.

Puwede ring ipasara ng BoC ang mga erring CBW at patawan ng penalties ang mga operator nito.

Kamakailan ay naglabas sina Finance Sec. Carlos Dominguez III at BoC Chief Rey Leonardo Guerrero ng isang joint administrative order.

Pinagsamasama ng administrative order ang mga guideline na sumasakop sa lahat ng CBWs.

Ang mga BoC-licensed CBW ay otorizadong mag-import, tumanggap at mag-imbak ng goods, raw materials at iba pang items without payment of duties at taxes.

In the past, may mga report na nagagamit daw sa ismagling ang ilang CBWs.

Sa tingin naman natin, nabigyang solusyon na ang problemang ito.

Kung may ilan mang gumagawa ng palusot, siguradong mahuhuli rin ang mga ‘yan.

Sana nga!

***

Matagal nang problema sa Metro Manila at mga karatig-pook ang kakulangan ng tubig tuwing tag-araw.

Dapat pagtuunan ng pansin ng bagong administrasyon ang problemang ito.

Pag-upo ng bagong presidente ay kailangang umaksyon agad dahil anim na taon lang siyang manunungkulan.

Huwag natin kalimutan na long-term solusyon ang kailangan para ma-address ang kakulangan ng tubig sa Metro Manila tuwing summer.

Simulan kaagad ng papalit kay Pangulong Duterte ang pagbalangkas ng program of action laban sa water shortage.

Hindi puwedeng pabagal-bagal ang susunod na pangulo dahil sa dami ng mga problema natin dulot ng pandemya at korapsyon.

Malaki na ang panlabas na utang ng bansa na siguradong matagal natin babayaran.

Kaya nga dapat mahusay at tapat sa bayan ang uupo sa Malakanyang sa Hunyo 30.

Kilatisin nating mabuti ang mga kandidato sa pagka-pangulo.

Pati mga nakapaligid sa kanila ay dapat din nating kilatisin.

Baka may mga buwayang nagbabalatkayong anghel.

***

Mukhang papunta na tayo sa tinatawag na “new normal.”

Malaki ang naitulong ng ginagawang nationwide vaccination program at pagsunod sa mga health protocol.

Mabuti na lang at nagising din ang mga kababayan natin sa katotohanang mahalaga ang mabakunahan laban sa COVID-l9.

Ang kailangan na lang ay pagbabalik ng mga pampasaherong sasakyan sa mga lansangan.

Pero dapat ibaba na ang pamasahe, lalo na sa mga tricycle na siyang sinasakyan ng karamihan, lalo na sa mga lalawigan.

Kung hindi bababa ang pamasahe ay walang pupunta sa mga mall na karaniwang masa mga bayan para mamili.

Hindi aarangkada ang ekonomiya dahil magsasara rin ang mga negosyo.

Huwag naman sana!

(Para sa inyong komento at suhestsiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:tingnannatin@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE