Default Thumbnail

International Mother Language Day sa Feb 21

February 19, 2022 Magi Gunigundo 701 views

Magi GunigundoTUWING sasapit ang Pebrero 21, ipinagdiriwang ang International Mother Language Day upang itanghal ang bisa ng wikang sinuso sa edukasyon na pundasyon ng kaunlaran ng lipunan sa kabila ng pagkakaiba iba ng mga wika ng mga bahagi nito. Ito rin ay pagrespeto sa karapatan ng bata na matuto sa kanyang unang wika sapagkat lahat ng wika ay pantay pantay sa paghahatid ng karunungan at pagpapahayag ng saloobin at iniisip.Ang ating mundong ginagalawan ay multi-lingual at wala tayong maituturing na”universal language” kahit na sabihin mo pang English ang dominanteng wika sa panahong ito.

Dahil sa ating pagsusumikap at pakikipagtulungan sa iba pang mga dalubhasa sa lingwistika at mga edukador, nagtagumpay ang ating kampanya na maisabatas ang patakaran ng Mother Tongue Based Multi lingual Education ( MTBMLE) sa edukasyon noon 2013 na sentro ng K to 12 law ( RA 10533). Atin pong inumpisahan ang kampanya para sa MTBMLE noon pang 2008 ng naghain tayo ng panukalang batas tungkol dito sa Kongreso.

Isinantabi ng RA 10533 ang bi-lingualismo na gumagamit lamang ng dalawang wika ( Filipino at English) na hindi naman wikang sinuso ng karamihan ng mga Pilipino na mayroon 170 wika batay sa etnologo. Kabilang dito ang Binisaya, Hiligaynon, Iloko, Pangasinense, Kapampangan, Chavacano, Kiniray-a, Aklanon, Binukid, Itawis, Ibanag, Kankaney at iba pa. Pinuna na ito ng 1925 Monroe Report na ang hindi paggamit sa wikang sinuso ay nagsisilbing hadlang kaya tuloy marami ang naiwan at hindi nakasama sa martsa sa edukasyon at kaunlaran. Ang 1960’s Aguilar experiment ay nagpakita ng positibong epekto ng paggamit ng Hiligaynon sa edukasyon. Ang 1991 EDCOM Report ay muling inulit ang puna tungkol sa wikang panturo na tinukoy ng Monroe Report. Kapag pinagsama-sama ang mga pag-aaral na ito ng mga dalubhasa, isa lang ang mensaheng sinisigaw nito : mahirap mag-aral at matuto ang isang bata sa wikang hindi niya alam at hindi ginagamit sa tahanan. Kung ayaw natin may maiwanan, kailangan gamitin ang wikang sinuso ng mga bata sa pagtuturo at pagsusulit. Ito rin ang punto ng PISA 2018 kung saan kulelat ang Pilipinas. Halos 94% ng 15 taon gulang na estudyanteng Pilipino na lumahok sa PISA ay hindi ginagamit ang wikang English sa tahanan nila. Ang mahigit isang daang bansa na lumahok sa PISA ay may kalayaan pumili ng wikang gagamitin sa eksamen ng PISA subalit pinili pa rin ng Dep Ed na wikang English ang ipagamit na wika sa pagsusulit sa reading, math at science. Sinusuri ng PISA ang kaalaman ng bata sa paggamit ng mga konsepto ng math at science at pag-unawa sa binabasa. Samakatuwid , ang batang Pilipino ay hindi nauunawaan ang binabasa sa English at hindi kayang gamitin ng lubos ang mga kaalaman sa math at science sa paglutas ng mga aktuwal na problema sa tunay na buhay sa wikang English.

Bagamat isa ng pambansang patakaran sa edukasyon ang MTBMLE, ang Dep Ed ay hila hila pa rin ang mga paa sa tamang pagpapatupad ng patakaran. Hindi sapat ang pagsasanay sa mga guro kung paano ito ipapatupad at kulang sa mga aklat at iba pang gabay sa pagtuturo sa wikang sinuso o unang wika ng bata. Ang teacher education curriculum ay hindi rin naitono sa konsepto ng MTBMLE.

Mainam at ang tema ng 2022 International Mother Language Day, “Paggamit ng teknolohiya para sa multilinggwal na pag-aaral: Mga Hamon at pagkakataon”, ay tatalakay sa potensyal na papel ng teknolohiya upang isulong ang multilingguwal na edukasyon at suportahan ang pagbuo ng de-kalidad na pagtuturo at pagkatuto para sa lahat.

Ang teknolohiya ay may potensyal na tugunan ang ilan sa mga pinakamalaking hamon sa edukasyon ngayon. Maaari nitong pabilisin ang mga pagsisikap tungo sa pagtiyak ng pantay at inklusibong mga pagkakataon sa pag-aaral na panghabambuhay para sa lahat kung ito ay ginagabayan ng mga pangunahing prinsipyo ng pagsasama at pagkakapantay-pantay. Ang multilingguwal na edukasyon batay sa katutubong wika ay isang mahalagang bahagi ng pagsasama sa edukasyon.

Sa panahon ng mga pagsasara ng paaralan sa COVID-19, maraming bansa sa buong mundo ang gumamit ng mga solusyong nakabatay sa teknolohiya upang mapanatili ang pagpapatuloy ng pag-aaral. Ang isang kamakailang survey ng UNESCO, UNICEF, World Bank at OECD sa mga pagtugon sa pambansang edukasyon sa mga pagsasara ng paaralan sa COVID-19 ng 143 na bansa ay nagpakita na 96 porsyento ng mga bansang may mataas na kita ang nagbigay ng malayuang pag-aaral sa pamamagitan ng mga online na platform para sa hindi bababa sa isang antas ng edukasyon kumpara sa 58 lamang porsyento ng mga bansang mababa ang kita. Sa mga kontekstong may mababang kita, ang karamihan ng mga bansa ay nag-ulat na gumagamit ng broadcast media tulad ng telebisyon (83%) at radyo (85%) upang suportahan ang pagpapatuloy ng pag-aaral.

Malinaw, ang mga guro ay kulang sa kasanayan at kahandaan sa paggamit ng online teaching. Maraming mga mag-aaral ang kulang sa mga kinakailangang kagamitan, internet access, naa-access na mga materyales, inangkop na nilalaman, at suporta ng tao na magbibigay-daan sa kanila na sumunod sa online learning. Kailangan tutukan ng susunod na administrasyon ang mahalagang bagay na ito upang mawarat na ang bakod sa edukasyon na naghahati sa mayaman at sa mahirap.

AUTHOR PROFILE