Chinese

Tsino kinulong ng kabaro, ligtas

April 26, 2024 Edd Reyes 65 views

NASAGIP ng mga pulis noong Huwebes ang 35-anyos na Chinese national sa kamay ng kanyang mga kababayang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na puwersahang nagkulong sa kanya sa Paranaque City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, nakalaya ang biktima na si alyas Zhang na puwersahang ikinulong ng mga kapwa-Chinese sa isang bahay sa Brgy. Merville, Paranaque.

Dakong alas-6:30 ng gabi nang ituro ng kalive-in ni Zhang ang bahay na pinagkulungan sa kanyang kinakasama.

Naaresto rin ang mga suspek na sina alyas Wu, 29, alyas Fan, 30, alyas Liu, 31, at alyas Xueyu, 33, na pawang mga Chinese national na nagtatrabaho sa isang POGO.

Ayon kay Pespes, maayos na nai-dokumento ng pulisya ang operasyon sa tulong ng interpreter na nagpaliwanag sa mga dinakip na dayuhan kung bakit sila inaresto, pati na rin ang kanilang karapatang manahimik.

Inihahanda na ng mga pulis ang mga kasong isasampa sa Paranaque City Prosecutor’s Office laban sa mga nadakip na dayuhan habang ipinaalam na rin sa Embahada ng China ang insidente na isa sa umiiral na panuntunan sa wastong pag-aresto sa mga dayuhan.

AUTHOR PROFILE