Subway PNA file photo shows Department of Transportation Secretary Jaime Bautista visiting the site of the ongoing construction of the Metro Manila Subway Project at the North Ave. Station on March 7, 2024.

Pag-aayos ng ROW, pinabibilisan ng DOTr

March 16, 2024 People's Tonight 164 views

ANG mabilisang paglutas ng mga Rights-of-Way at ang paglipat ng mga informal settlers na naninirahan sa planadong ruta ng North South Commuter Railway ay kritikal para makumpleto sa tamang oras ang proyektong ito, ito ang pinahayag kamakailan ng Kagawaran ng Transportasyon.

Sinabi ni DOTr Undersecretary para sa Railways na si Jeremy Regino na determinado ang ahensiya na tapusin ang 147 kilometrong sistemang riles sa loob ng limang taon kahit may mga problema sa ROW ang proyekto.

Sinabi niya na ang DOTr ay nagtatrabaho ng “doble sa oras” upang makuha ang mga ROW na kailangan naman ng mga kontratista ng NSCR upang ang paggawa ay magpatuloy ng “buong bilis.”

“Sa sandaling maihatid namin ang lahat ng kinakailangang ROW, hihilingin namin sa kanila na tiyakin na ang NSCR ay matapos sa loob ng takdang panahon o kahit na bago ang takdang deadline,” sabi ni Regino.

Idinagdag niya na iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay nakikipagtulungan upang tiyakin na ang mga informal settlers na naninirahan sa ruta ng NSCR ay mabibigyan ng mga resettlement sites na maari nila tirahan agad.

Ang NSCR magmumula sa Clark City, Tarlac hanggang Calamba, Laguna. Magdaraan ito sa ilang bahagi ng Metro Manila. Magkakaroon ito ng kabuuang 36 na istasyon at magkakaron din ng serbisyong express sa paliparan patungo sa Clark International Airport.

Sinabi ni Regino na nagsimula na ang paggawa sa ilang lugar sa ruta ng NSCR kahit na ang mga alalahanin sa ROW ay nilulutas pa.

Ang lumang linya ng Philippine National Railways na byaheng Maynila na magiging bahagi ng alignment ng NSCR ay nakatakdang pansamantalang isuspindi upang bigyang-daan ang mga aktibidad sa pagtatayo nito.

Sinabi ni Regino na ang pamahalaan ay mabilis din na nagtatrabaho sa mga kinakailangang ROW para sa Metro Manila Subway Project, ang 33.1 kilometrong proyektong underground rail transportation system naman na ito ay tatakbo mula Valenzuela City papunta sa Ninoy Aquino International Airport.

AUTHOR PROFILE