LTO Hawak ni Land Transportation Office chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang unprinted driver’s license plastic cards matapos ideliver sa LTO nitong Lunes. Source: PNA photo ni Joan Bondoc

600,000 plastic card para sa driver’s license dineliver sa LTO

April 16, 2024 Jun I. Legaspi 199 views

Para matugunan backlog

TATLONG linggo matapos maihatid ang isang milyong piraso kasunod ng pagtanggal sa Writ of Preliminary Injunction, nakatanggap ang Land Transportation Office (LTO) noong Lunes, April 15, ng 600,000 pang piraso ng plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng mga driver’s license.

Malugod na tinanggap ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang paghahatid ng mga karagdagang plastic card, at sinabing masisiguro nito ang pagpapatuloy sa pagsisikap ng ahensya na tugunan ang backlog sa mga plastic-printed driver’s license sa direktiba ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista.

“Magiging tuloy-tuloy ito hanggang makumpletong ma-deliver ang 3.2 million pieces ng plastic cards. We expect the completion of the delivery within 45 days after the first delivery on March 25,” saad ni Assec Mendoza.

Ang unang isang milyong piraso ng plastic card ay naihatid noong March 25 matapos alisin ng Court of Appeals ang injunction order sa paghahatid ng natitirang hindi naihatid na plastic card mula sa Banner Plastic na binili noong nakaraang taon.

Isang araw matapos maihatid ang isang milyong piraso ng plastic card, agad na naglabas ang LTO ng schedule ng renewal ng expired na driver’s license upang tuluyang makuha ng mga motorista ang kanilang plastic-printed driver’s license.

“With today’s delivery of 600,000, this will ensure the continuity of the schedule of renewal which we issued last month,” saad ni Assec Mendoza.

Layunin ng renewal schedule na matiyak ang maayos na pagpasok at pamamahagi ng mga plastic-printed plastic card sa lahat ng opisina ng LTO.

Nakuha na ni Assec Mendoza ang listahan ng mga regional at district offices at ang bilang ng mga plastic card na kailangan nila para sa patuloy na paglabas at pamamahagi ng plastic driver’s license na nagsimula noong Lunes, April 15.

Sa press briefing nitong Lunes, tiniyak ng LTO Regional Directors ang maayos na paglabas at pamamahagi ng mga plastic card.

AUTHOR PROFILE