Robin

Padilla: ‘Robinhood’ sa Senado

July 13, 2022 Camille P. Balagtas 309 views

MISMONG si Senador Robin Padilla ang pormal na humiling sa Senado upang gamitin ang kaniyang tunay na pangalan na “Robinhood Padilla” upang aniya ay maipakita niya ang pagiging seryosong halal na senador ng bansa.

Sa kanyang pormal na liham kay Senate Secretary Myra Marie Villarica, sinabi ni Padilla na nais niyang gamitin ang kanyang tunay na pangalan sa lahat ng komunikasyon, pormal na mga sulat sa kanyang mga kakaharapin na trabaho sa Senado sa nalalapit na pagbubukas ng 19th Congress.

Ayon sa mga tauhan ni Padilla, “seryoso” ang baguhang senador sa kanyang trabaho kung kaya’t nais niyang gamitin ang totoong ngalan niya dahil aniya totoo ang “kanyang isasapusong paglilingkod sa taong bayan”.

Matatandaan na ang pangalan na “Robinhood” ay isang indibidwal na nakilala sa mga kuwento noong 12th Century sa England kung saan ay tagapagtanggol ang karakter nito sa maraming mahihirap na naaapi at “kinukuha” nito ang yaman ng ilan nasa posisyon para ibigay sa mga salat sa pera at kayamanan na siyang nagpasikat sa kuwento nito.