Traffic violator timbog sa baril
NAGKAROON ng habulan sa pagitan ng isang 43-anyos na lalaki at ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) makaraan umanong lumabag sa batas trapiko at madiskubreng may baril sa loob ng minamanehong SUV (sports utility vehicle) nito sa Malate, Maynila, Miyerkules ng madaling araw.
Ang suspek ay pawang nakatira sa Dasmariñas City, Cavite.
Batay sa ulat nina PSMS Reynaldo Cordova at Patrolman Remiel Yumol, bandang 2:30 ng madaling araw nitong Miyerkules, habang sakay ng mobile car ng MPD ay namataan nila ang isang kulay puting Subaru Forester na nag-counterflow sa San Andres sa panulukan ng Quirino Avenue sa Malate.
Dito na nila sinita ang driver pero humarurot ang sasakyan kaya nagkaroon ng habulan hanggang sa makorner ang suspek.
Nakita nila ang isang Glock 17 9mm na wala umanong serial number, isang magazine na kargado ng 18 bala sa tabi nito sa unahang upuan.
Nang walang maipakitang dokumento ng baril, dinala muna ito sa Ospital ng Maynila para sa medical check up bago ito itinurn over sa tanggapan ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol, station commander ng MPD-Malate Police Station 9.
Ang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 4136 (Reckless Driving Thru Counterflow of Traffic) at RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunitions).