Posas

P1M ilegal na paputok nasamsam sa Batangas

December 4, 2023 Jojo C. Magsombol 212 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas–Arestado kamakailan ng mga otoridad ang isang lalaki na pinaniniwalaang sangkot sa paggawa at pagbebenta ng mga ilegal na paputok sa entrapment sa Brgy. Ambulong, Tanauan City, Batangas.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices” ang naaresto, ayon sa mga pulis.

Aabot sa P1 milyon ang halaga ng nakumpiskang mga ilegal na paputok ng enforcement team sa ginawang operasyon.

Naaresto ng Regional Intelligence Division (RID) at Tanauan City Police Station ang suspek na si alyas Darryl, ayon kay Batangas Provincial Director Col. Samson B. Belmonte kay Calabarzon Police Regional Office Director Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas.

Nalaman ng mga otoridad ang pinanggalingan ng mga paputok at hindi lamang sa lalawigan ng Batangas kundi maging sa buong rehiyon ang supply chain ng mga ilegal na paputok.

Noong Oktubre, nagkaroon ng sunog sa Purok 8, Sitio PNB, Barangay Talisay, Lipa City, Batangas at isang biktima na malubhang nasugatan kasunod ng pagsabog ng mga nakaimbak na mga gamit sa pag-gawa ng mga paputok na nakalagay sa kahon.

Hinihimok ng PRO-4A ang mga mamamayan na manatiling mapagbantay at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa pagbebenta o paggamit ng mga iligal na paputok.

AUTHOR PROFILE