Nakakatulong naman ang midya

May 27, 2021 Paul M. Gutierrez 142 views

PaulNAGPAPASAKLOLO” ngayon sa midya si Deputy Chief Implementer at Testing Czar Vince Dizon, upang makatulong sa pagpapakalat sa publiko ng impormasyon tungkol sa kahalagahan at bisa ng bakuna laban sa COVID-19. Ito ay upang tumaas ang kumpiyansa ng tao sa bakuna na mayroon sa ating bansa.

Tulad ng ating sinabi noong nakaraan dito sa ating kolum, kinakailangan ang agresibong at sistematikong pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa bakuna upang mas maunawaan ng tao ang mga bakuna na available ngayon.

Syempre malaki talaga ang papel at maitutulong ng midya sa pagpapalaganap ng wastong impormasyon na kakailangan ng mga mamamayan upang maging panatag sila sa bakuna na ituturok sa kanila.

Sa ganang atin ay hindi nagkukulang ang midya sa pagco-cover ng mga istorya na may kinalaman sa COVID-19 at kasama na dito ang tungkol sa mga bakuna na dumarating sa Pilipinas. Gayundin ang mga impormasyon tungkol sa mga bakunang ito kung saan galing ang mga ito at gaano kabisa.

Bagamat bukas tayo na mas higit pang makatulong ang midya sa pag-abot sa maraming bilang ng tao sa pagpapalaganap ng impormasyon, may pangangailangan din na mabigyan ng assurance o kasiguraduhan ang mga tao sa pananagutan sakaling may hindi magandang naidulot ang bakuna sa kanila.

Ito ay upang makatulong na mabawasan ang pag-aagam-agam ng marami at makapagbibigay pa ng higit na tiwala sa bakuna.

Alam natin na limitado ang mga bakuna na mayroon tayo, at nakakalungkot na maraming tao na pumipili ng bakuna bagamat tiniyak na ng gobyerno ang kaligtasan ng mga ito. Kumbaga, hindi ito papayagan na iturok sa mga tao kung hindi ligtas ang mga bakuna na dumating sa ating bansa. Dahil sa pandemya, hindi madali ang makakuha ng bakuna.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay umapela at naging tapat sa publiko na hindi magiging posible na Pfizer lamang ang maihahatid na bakuna para sa publiko.

Bagamat karapatan ng mga tao na malaman at pumili ng bakuna na ituturok sa kanila, mahalagang malaman din ng mga tao ang limitasyon ng mga ito.

Mas mabuti na mayroon na tayong bakuna kesa wala. Kung nais nating makabalik sa dating normal na buhay na mayroon tayo, kinakailangan makatulong ang lahat sa pag-abot ng maraming bilang ng mga mababakunahan.

Sa pangangailangan na ito sa midya para makatulong sa pagpapalaganap ng impormasyon, nawa ay makita rin na maging prayoridad ang midya sa pagbabakuna bilang mga frontliner na may malaking papel na ginagampanan ngayong pandemya.

Bilang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ng mga publiko, mahalagang maprotektahan din ang midya. Kaya naman isang malaking hakbang din ang maisama ang midya sa A4 category na mababakunahan.

Kaya naman kung pagpapalaganap lang ng impormasyon ang kailangan, matagal na itong ginagawa ng midya. May bakuna man sila o wala pa, matagal nang buwis-buhay ang ginagawa ng midya para lang makapaghatid ng balita.

AUTHOR PROFILE