Default Thumbnail

Nabuking sa droga dahil walang helmet

June 18, 2023 Edd Reyes 128 views

HINDI pagsusuot ng helmet habang nagmomotorsiklo ang nagpahamak sa kabataang lalaking gumagamit ng ilegal na droga nang makuhanan ng pulisya ang pinatuyong dahon ng marijuana Linggo ng madaling araw sa Malabon City.

Mga kasong paglabag sa R.A. 10054 o ang Motorcycle Helmet Act at R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act ang kakaharaping kaso ng suspek na si James Bryan Obsequias ng Kaingin I, Brgy. Tinajeros matapos mabisto ang pag-iingat ng pinatuyong dahon ng marijuana nang masita sa isang police checkpoint sa Gov. Pascual Avenue, Brgy. Potrero dakong alas 12:05 ng madaling araw.

Sa ipinadalang ulat ni P/Lt. Roger Perez ng Police Sub-Station 1 kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, sinita nila ang suspek dahil sa hindi pagsusuot ng helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.

Nang hingin nina P/Cpl. Larry Ocampo at P/Cpl. Joseph Sison ang lisensiya ni Obsequias, nalaglag ang isang plastic sachet na naglalaman ng marijuana mula sa kanyang wallet na pinaglalagyan ng lisensiya.

Dito na kinapkapan ng mga pulis ang susoek hanggang sa makita ang isa pang sachet na may laman pa rin ng pinatuyong dahon ng marijuana at glass tube pipe kaya’t kaagad na siyang inaresto.

Iniulat ni Col. Daro kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr. na may kabuuang 3.10 gramo ng marijuana na katumbas ng halagang P372.00 ang nakuha nila sa suspek na naka-detine na sa detention cell ng Malabon City Police.

AUTHOR PROFILE