Gun

Baril ginawang ‘asawa’

June 18, 2023 Edd Reyes 219 views

MISTULANG ginawang asawa ng isang lalaki ang kanyang baril dahil umano lagi niyang bitbit ito at kasama hanggang sa pagtulog.

SA ilalim ng hinihigaang unan nakuha ang armas ng mga pulis sa bahay ng isang tricycle driver na una ng inireport ng kanyang mga ka-lugar na laging may bitbit na baril sa Malabon City.

Sabado ng dakong alas-2:30 ng hapon, nang isilbi nina P/Maj. Carlos Cosme, hepe ng Malabon Police Sub-Station 7 ang search warrant na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Rhoda Magdalene L. Mapile-Osenada laban kay Crisanto Eugenio, 43, sa kanyang bahay sa 17 Kasarinlan St. Brgy Muzon matapos ireklamo ng mga kalugar sa umano’y paghahasik ng sindak habang may bitbit na baril.

Sa ipinadalang ulat ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr., pawang may nakalagay na body camera ang kasama sa implementasyon ng search warrant, maliban pa sa opisyal ng barangay sa lugar, kaya’t walang maikakatuwiran ang suspek na itinanim lamang ang baril na nakuha sa loob ng kanyang silid.

Nakuha ng pulisya sa ilalim ng unan ng gamit ng suspek sa pagtulog ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala na dahilan kaya’t inaresto na siya ng mga tauhan ni Maj. Cosme.

Sa panayam kay P/Ssgt. Diego Ngippol ng Malabon Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMS), nag-apply ng search warrant ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 matapos matanggap ang mga reklamo ng ilang mga residente sa Brgy. Muzon na nahihintakutan sa palaging pagdadala ng baril ng suspek kahit sa pamamasada ng tricycle.

Isinumite na ng pulisya sa NPD Forensic Unit ang nakuhang baril at bala upang isailalim sa ballistic examination na tutukoy kung nagamit ito sa ilang nangyaring krimen sa mga lugar na sakop ng NPD.

AUTHOR PROFILE