Default Thumbnail

Nabiling brand new SUV, replacement ang piyesa?

May 25, 2022 Edd Reyes 256 views

Edd ReyesPOSIBLE kaya na napapalitan ang ilang orihinal na piyesa ng isang brand new at bagong biling sasakyan bago ito mailabas sa casa?

Ito ang katanungan ng isang tagasubaybay ng pahayagang People’s Tonight na ayaw ng magpabanggit ng pangalan matapos niyang matuklasan na “replacement” o hindi orihinal ang clutch disc at clutch bearing na nakalagay sa binili niyang sports utility vehicle (SUV) matapos niyang ipasok sa talyer na pag-aari ng kaibigan para mapalitan ang nasirang piyesa.

Mahigit 10-taon na kasi nang una niyang mabili ang brand new niyang SUV sa isa sa mga hilera na car dealers sa may Otis, Pandacan kaya tiwala siya na puro orihinal ang piyesang nakalagay sa kanyang sasakyan.

Nagulat siya nang sabihin sa kanya ng dealer na nagbebenta ng orihinal na piyesa ng SUV na replacement lang at hindi orihinal ang nasirang piyesa na nakakabit sa kanyang sasakyan.

Hindi kaagad siya naniwala dahil siya ang first owner at brand new niya binili ang SUV at siya lamang ang gumagamit kaya’t batid niya na noon lamang nagalaw ang nasirang piyesa ng kanyang sasakyan.

Nang isa-isang ipaliwanag ng dealer ang mga pagkakaiba ng orihinal na piyesa sa binaklas sa kanyang sasakyan, doon niya napagtanto na malaki nga ang pagkaka-iba ng dalawa, lalu na ang nakatatak pang kompanya kung saan ito ginawa na nakalagay sa orihinal pero wala sa pudpod na niyang clutch disc at bearing.

Ito ang dahilan kaya siya nag-isip na baka nga napapalitan sa casa pa lamang ang mga tagong piyesa ng brand new na sasakyan, tulad ng clutch disc at bearing, na hindi kayang ma-check ng buyer.

Malaki kasi ang agwat ng presyo ng orihinal sa replacement kaya’t posible aniya na nagkakaroon ng interes na palitan ang orihinal ang nakatagong piyesa.

Kung tutuusin, hindi naman sa isang pipitsuging car dealer niya binili ang brand new niyang sasakyan mahigit 10-taong na ang nakararaan kaya wala siyang maipapayo sa mga nagnanais pang bumili ng bagong sasakyan kundi manalangin na lang na sana ay hindi mapabilang ang biniling sasakyan sa napalitan ng replacement na piyesa.

KOMENTO AT MENSAHE NG READERS

Sa text message ng isang alyas Benny, hindi raw natinag ang mga vendors na umokupa na sa halos buong lansangan ng Felix Huertas sa Blumentritt, sa Sta Cruz kaya’t hirap ng makausad kahit ang mga dumadaang motorsiklo. Tanong niya, sino raw kaya raw sa barangay o pulisya ang nakikinabang sa pagbibigay pahintulot na sakupin ang halos gitna na ng kalye mula Blumentritt hanggang sa kalye ng Laguna?.

*****************

Pinuna sa text message ng isang alyas Mario ang aniya ay mabagal na pagkilos nng mga otoridad kaya hindi raw matinag ang mga nakalatag na pasugalan nina alyas Egay at Bonjing sa Rizal Province samantalang pinagmulan na raw ng insidente ng pananaksak sa isang residente ng isang subdivision na sumaway sa ingay na likha ng mga mananaya sa Brgy, Mayamot. Kailangan pa raw ba na mismong si Region IV-A Director P/BGen. Antonio Yarra ang kumilos bago pa may maganap na mas malagim na pangyayari?

******************

Ang dahilan pala ng araw-araw na pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Rizal Avenue Ext. patungong Maynila ay dahil sa inilatag na checkpoint ng pulisya sa ilalim ng LRT Station sa R. Papa na sumisita sa mga nagdaraang mga naka-motorsiklo. Sana raw ay huwag sa mismong kanto magsagawa ng paninita ang pulisya dahil puwede namang umurong pa patungo sa malapit na gas station dahil maluwag na doon ang lansangan. Ayaw raw kasing mabilad sa init ng araw ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint kaya dedma sila kahit pa sumikip ang daloy ng trapiko sa lugar.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-3478363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE