Sino ba ang dapat mag-sorry?

May 25, 2022 Allan L. Encarnacion 165 views

Allan EncarnacionKUNG babalikan natin ang bansa bago nahalal si Digong bilang Pangulo, walang malalaking imprastraktura tulad ng Skyway, wala iyong Cavite LRT extension, wala iyong MRT 7, wala iyong Northrail, walang mga bago at malalaking airports, walang mga bagong tulay sa Luzon, Visayas at Mindanao at wala ang mga bagiong gawang mga kalsada.

Magbalik-tanaw ka lang, maraming lugar sa ating bansa ang parang mga “no man’s land” dahil naging playground na ng mga kriminal at drug addict ang kalsada. Kahit saan ka tumingin sa Metro Manila, karaniwan lang ang cellphone snatching, ambush ng riding in tandem, carnapping at carjacking.

Kaliwa’t kanan ang shabu laboratary, mula sa slums area, mga condo units hanggang sa mansion ay converted na sa lutuan ng droga. Ang Bilibid ay naging kapitolyo ng lutuan ng shabu. Ang ilang presinto ay kuta ng mga kriminal na pulis, ang bukas-kotse ay sa mismong mga kampo ng pulis nangyayari.

Ang Martilyo Gang na pumapasok sa mga malls ay karaniwan na lang na madalas ay pinagmumulan ng barilan at ikinadadamay pa ng mga mall goers.

Ang Akyat Bahay Gang, ang mga acetylene gang na naglulungga sa ilalim ng mga imburnal para makapasok sa bangko at mga bahay-sanglaan ay palaging happy sa kanilang mga operasyon.

Ang riot ng mga kabataan na bangag sa solvent ay gabi-gabing nangyayari kahit saan, lalo na sa Metro Manila. Ang mga basag-salamin, ang mga snatcher ng alahas at snatcher ng mga side mirror ay pinapanood na lang natin dahil wala tayong magawa.

Ang mga batang-hamog kahit sa EDSA traffic, bigla na lang papasukin ang mga saakyan para nakawan.

Ang tanim-bala sa airport ay way of life na ng mga paalis at pabalik na pasahero.

Maraming aspeto sa ating mga buhay ang nagbago sa loob ng anim na taon.

Bago tumama ang pandemic, ang Pilipinas ang fastest growing economy, mas mabilis pa sa China at Vietnam sa numerong 6.7 GDP.

Ngayong patapos na si Duterte, humihingi siya ng dispensa sa atin kung kulang pa umano ang kanyang nagawa.

Siya na nga iyong maraming nagawa, siya pa ang mistulang humihingi ng ating awa.

Mag-imbentaryo ka lang bilang karaniwang mamamayan, higit sa mga pagawaing-bayan na ating pinakikinabangan ngayon, iniligtas din tayo ni Duterte sa anarkiya, sa mga kriminal, sa mga drug addict at sa lahat ng panganib ng droga.

Kung mayroon mang dapat humingi ng dispensa, tayo na sigurong mga mamamayan na walang kasiyahan sa nagawa sa atin ng pamahalaan.

Mr. President, salamat sa inyong mga nagawa at salamat dahil sa aming panahon, may isang lider na dumaan totoong naglingkod sa bayan.

allanpunglo@gmail.com