Default Thumbnail

MPIO: ‘Kalinga sa Maynila’ tuloy; Sampaloc susunod

March 27, 2023 Edd Reyes 191 views

MULING ini-anunsiyo ng Manila Public Information Office (MPIO) ang pagbaba ng mga serbisyo ng Manila City Hall patungo sa komunidad sa Miyerkules, Marso 29, sa pamamagitan ng programang “Kalinga sa Maynila” na gaganapin sa Sampaloc, Maynila.

Nakasaad sa anunsiyo ng MPIO na pinamumunuan ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, na magaganap ang pagbabalik ng “Kalinga sa Maynila, Pulong-pulong sa Pagtulong,” sa kanto ng Sta. Teresita at Lardizabal Streets sa distrito ng Sampaloc, ganap na ika-8 ng umaga.

Tulad ng pinakahuling Kalinga sa Maynila na ginanap noong Marso 22 sa Patricia Sports Complex sa ikalawang distrito ng Tondo, makakasama rin nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang mga opisyal at kawani ng ilang mga tanggapan sa Manila City Hall tulad ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB); Department of Public Services-Manila; Department of Engineering and Public Works-Manila; Manila Police District; Manila Barangay Bureau; Manila Civil Registry Office; City Legal Office-Manila; Manila Health Department; Manila Department of Social Welfare; Manila Office of Senior Citizens Affairs; Public Employment Service Office City of Manila; at Veterinary Inspection Board na maghahatid ng kanilang mga serbisyo sa mga nangangailangan nito.

Ini-anunsiyo ng MPIO ang pagsasagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng Kalinga sa Maynila sa distrito ng Sampaloc upang ipanawagan sa mga residente ng naturang distrito na may mga katanungan, alalahanin, at suliranin na nais idulog sa lokal na pamahalaan na magtungo at makilahok sa naturang programa.

Nauna ng inihayag ni Mayor Lacuna-Pangan na ang “Kalinga sa Maynila: Pulong-Pulong sa Pagtulong” ay naghahandog ng mas pinaraming serbisyo upang higit pang maabot ang pamayanan ng Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE