Default Thumbnail

‘Motornapper’ huli sa Cabanatuan

June 2, 2023 Steve A. Gosuico 295 views

CABANATUAN CITY – Isang hinihinalang “motornapper” na nagpanggap na bumibili ng Honda scooter ang inaresto ng mga pulis ilang sandali matapos umanong itakas ng kanyang hindi pa nakikilalang kasabawat ang nasabing motorsiklo sa isang dealer Miyerkules ng hapon, Mayo 31.

Ayon kay Nueva Ecija Highway Patrol Group (HPG) head police Major Karl Eliseto C. Subere, ang naarestong suspek ay isang 28-anyos na Grab driver, ng Barangay Sta. Trinidad, Angeles City, Pampanga.

Agad nadakip ang suspek ng mga tauhan ni Subere at miyembro ng Cabanatuan City police sa Bgy. D.S. Garcia, sa lungsod na ito, ganap na 4:30 ng hapon.

Sinabi ni Subere na ang suspek ay may kasabwat umano at nagpanggap na “buyer” ng pulang Honda X-ADV 750 ABS na nagkakahalaga ng mahigit P800,000, na pag-aari ng 23-anyos na negosyante, ng Bgy. Rizal, Bongabon, Nueva Ecija.

Sa inisyal na imbestigasyon, habang nagtatransasksyon ang naarestong suspek at biktima, biglang pinaharurot ng kasabwat ng suspek ang motorsiklo nang walang pahintulot ng may-ari at tumakas sa hindi malamang direksyon, at iniwan ang kasamahan nitong suspek.

Kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016 ang inihain laban sa dalawang suspek sa tanggapan ng piskal dito.

AUTHOR PROFILE