Default Thumbnail

Motornaper na-Marites ng CCTV sa pulis, huli

June 3, 2023 Edd Reyes 145 views

MASTER key ang ginamit ng 17-anyos na binatilyo sa ginawang pagtangay sa motorsiklo ng isang delivery rider na nakaparada sa harap ng bahay ng biktima sa Las Piñas City.

Ang hindi batid ng suspek, kitang-kita sa nakakabit na CCTV camera ng barangay ang ginawa niyang pagnanakaw na dahilan ng kanyang pagkakadakip Huwebes ng gabi sa kanilang tirahan sa Barangay BF International.

Sa isinumiteng ulat ni Las Piñas police chief P/Col. Jaime Santos kay Southern Police District Director Kirby John Kraft, ala-1 ng madaling araw nang makuhanan ng CCTV camera ang binatilyo, habang tinitiktikan ang nakaparadang motorsiklo ni Mark Alvin Canillo, residente ng Bayanihan Phase 4, Bgy. BF International, CAA, hanggang tuluyan niya itong tangayin matapos na mapa-andar gamit ang master key.

Alas-8 na ng umaga natuklasan ni Canillo ang pagkawala ng motorsiklo kaya’t humingi siya ng tulong sa barangay na nagrebisa sa kuha ng kanilang mga nakakabit na CCTV camera sa lugar na dahilan upang makilala ang suspek.

Sa tulong ng mga pulis, nabawi ang motorsiklo ng biktima na ipinarada sa harap ng isang fast-food chain, habang hinanap na ng mga barangay tanod ang suspek hanggang sa madakip dakong alas-6 na ng gabi.

Depensa ng binatilyo, nagkatuwaan lamang sila ng mga barkada kaya tinangay ang motorsiklo ng biktima bagama’t natuklasan na may rekord na rin sa barangay ang menor-de-edad sa pagnanakaw ng motorsiklo.

Sa kabila ng paghingi ng tawad ng suspek, sinabi ni Santos na desidido ang biktima na ituloy ang pagsasampa ng kaso dahil sa perhuwisyong ginawa, lalu na’t ginagamit ni Canillo sa hanapbuhay ang motorsiklo.

Pansamantalang isinailalim sa kostudiya ng Bahay Pag-asa sa Las Piñas City ang suspek dahil sa pagiging menor-de-edad, habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act No. 19883 o ang New Anti-Carnapping Act.

AUTHOR PROFILE