‘CAIN AT ABEL’, MAY BARIL VERSION
MUNTIK ng humantong sa madugong wakas ang away ng magkapatid makaraang tutukan umano ng baril ng nakatatanda ang mas bata sa kanya, Biyernes ng gabi sa Navotas City.
Nagawa namang kumaripas ng takbo palabas ng kanilang bahay sa 379 Old Fishport sa Barangay NBBN ang biktimang si Diosdado Esgana, nang tutukan siya ng kalibre .45 pistola ng kapatid na si Johnny Esgana matapos ang kanilang pag-aaway.
Sa tinanggap na ulat ni P/Col. Allan Umipig, hepe ng Navotas Police Station, dakong alas-11 ng gabi nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid sa loob ng kanilang tirahan sa hindi pa malamang dahilan.
Sa gitna ng kanilang pag-aaway, kinuha ni Johnny ang kalibre .45 niyang baril at itinutok sa kapatid na kaagad namang nakatakbo bago pa man makalabit ng suspek ang gatilyo.
Nakapagresponde naman kaagad ang mga tauhan ng barangay, kasama ang dalawang pulis na nakatalaga sa Navotas Police Sub-Station 3 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakuha sa kanya ang kalibre .45 baril na may magazine na kargado ng siyam na bala na ginamit sa panunutok sa sariling kapatid.
Bunga ng kawalan ng maipakitang dokumento kaugnay sa pagkakaroon ng armas, nahaharap ang suspek sa kasong grave threat at paglabag sa Republic Act No. 10591, o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, sa piskalya ng Navotas City.