Default Thumbnail

Motor vs motor: 1 dedo, 2 sugatan

October 23, 2023 Jonjon Reyes 205 views

PATAY ang isang lalaking rider at sugatan ang angkas niya at babaeng rider nang magsalpukan ang motor nila sa Quirino Avenue at Mabini St., Malate, Manila noong Lunes.

Dead-on-the-spot si Orlie Magtibay at nakaligtas pero sugatan ang pinsan niyang si Aldrin Magtibay.

Sugatan din ang nakabanggaan niyang si Regina De Leon, 30, at hindi naman nagalusan ang angkas niyang si Kristine Marie, 21.

Sa report ng pulis na si Allen Camangon, may hawak ng kaso, kay Police Major Jaime Gonzales, hepe ng Manila District-Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang 1:30 ng madaling araw nang maganap ang banggaan ng motor ni Magtibay at De Leon sa nasabing lugar.

Lumitaw sa imbestigasyon ni Camangon na tinatahak ni Magtibay ang eastbound lane ng Quirino Avenue nang biglang mabundol ng kanyang Honda Click ang kanang bahagi ng motorsiklo ni De Leon, na galing naman sa westbound lane at kakaliwa sana sa Quirino Avenue.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at tumama ang ulo sa kalye na naging sanhi ng kamatayan nito. Nawalan naman ng balanse at nagpagewang-gewang ang babaeng rider bago humandusay sa kalye.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property si De Leon.

AUTHOR PROFILE