Default Thumbnail

GRADE 12 PINATAY SA MARTILYO!

October 23, 2023 Edd Reyes 339 views

KALUNOS-LUNOS ang sinapit na kamatayan ng 17-anyos na babaeng estudyante ng Macario High School matapos ilang ulit na hatawin ng martilyo sa ulo ng hindi pa kilalang suspek, Lunes ng madaling araw sa Caloocan City.

Isinugod pa ng kanyang mga kamag-anak ang Grade 12 na biktimang itinago sa alyas “Daisy” sa Caloocan City Medical Center bago inilipat sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Subalit doon na siya idineklarang patay ng attending physician, sanhi ng tinamong matinding pinsala sa ulo na bunga ng pamamalo ng matigas na bagay.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) director PBGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Caloocan police chief PCol. Ruben Lacuesta na naganap ang pamamaslang dakong 1:30 ng madaling araw, habang nag-iisa sa kanilang tirahan sa may Dagat-Dagatan sa Barangay 12 ang biktima.

Nakarinig umano ng kakaibang ingay ang labanderang si Angie Salinas, 56, na nagmumula sa loob ng bahay ng biktima kaya’t lumabas siya upang magsiyasat.

Dito na nasilip ni Salinas sa nakabukas na sliding door ng kapitbahay ang nakahandusay na katawan ng dalagita habang umaagos ang dugo sa ulo.

Sinabi ni Salinas kina PSSg. Bernard Kenneth Misagal at PSSg. Niño Nazareno Paguirigan, may hawak ng kaso, na ipinabatid kaagad niya sa magkapatid na pinsan ng biktima ang natuklasan at sila na ang nagsugod sa dalagita sa pagamutan.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin kung ano ang motibo sa pamamaslang, habang kinukumpleto pa ng NPD Forensic Unit Team, sa pangunguna ni PCapt. Romar Quillang, ang pagpo-proseso sa crime scene kung saan natagpuan ang umano’y ginamit na martilyo ng suspek.

Sa ipinadala namang mensahe ni Lacuesa, sinabi niya na ongoing pa ang isinasagawa nilang pagsisiyasat sa krimen bagama’t mayroon na aniya silang person of interest.

AUTHOR PROFILE