Default Thumbnail

Mga solo parents sa Navotas aayudahan

August 3, 2022 Edd Reyes 264 views

Edd ReyesDESIDIDONG makumpleto ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa may 1,500 kuwalipikadong solo parents bago matapos ang kasalukuyang taon.

Noon lang nakaraang linggo, ipinamahagi ng lokal na pamahalaan ng P2,000 ayuda sa 230 rehistradong solo parents sa pamamagitan ng Saya All, Angal All Tulong Pinansiyal na isa sa programang nasa ilalim ng Gender and Development (GAD) Fund.

Sabi nga ni Mayor John Rey Tiangco, batid nila ang hirap na dinaranas ng mga Navoteño solo parents kaya nagbigay sila ng ayuda bilang tulong sa kanilang pamilya.

Para maging kuwalipikado, kailangan lang na mag-apply o mag-renew ng kanilang card ang solo parents na sasailalim sa pagpapatunay ng City Social Welfare and Development Office.

Bukod nga pala sa P2,000 ayuda, may tulong ding P1,000 para sa edukasyon ng kanilang anak na ibinibigay ang Lungsod sa ilalim ng ipinasang ordinansa.

Si Mayor Tiangco nga pala ay kabilang sa mga nagpasa ng batas sa ilalim ng R.A. 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act noong siya ay kongresista na nagbibigay ng mga benepisyo sa mga solo parents.

Papuri at pagbati kay PNP Chief Gen. Azurin umapaw

ISANG katerbang papuri at pagbati ang tinanggap ni Lt. Gen. Rodolfo Azurin, Jr. nang italaga bilang bagong PNP chief na patunay lang na hindi nagkamali ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagpili sa kanyang pamunuan ang Pambansang Kapulisan.

Hindi lang sa mga aktibong opisyal ng PNP nanggaling ang mga papuri at pagbati kundi maging sa mga retirado ng opisyal na personal na nakakakilala kay Gen. Azurin mula pa sa kanyang pagiging junior officer hanggang makarating sa mataas na posisyon.

Nangangahulugan lang ito na tiyak na magagampanan ng husto ni Gen. Azurin ang mabigat na hamon na ngayon ay naka-atang sa kanyang balikat, hindi lamang para sa pagpapanatili ng disiplina sa buong puwersa ng kapulisan kundi higit sa lahat ay ang pagpapanatili ng katahimihan, kaayusan at wastong pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan ng bansa.

Kabilang sa mga hamong haharapin ni Gen. Azurin, bukod sa pag-disiplina sa mga pulis, ang pagtukoy at pagpuksa sa mga teroristang grupo, ang paglaban sa talamak pa ring problema sa ilegal na droga, ang paglaban sa iba’t-ibang grupo ng mga kriminal na sangkot sa malalaking krimen, ang paglaban sa ilegal na sugal at pagkakaloob ng tamang serbisyo at proteksiyon sa mamamayan.

Ang isa pang bentahe kay Gen. Azurin ay ang kasanayan na niya sa laro ng maruming pulitika dahil dati na rin siyang naging biktima at mapatapon sa kangkungan kaya tiyak na hindi na tatayo ang kanyang balahibo sa anumang banta o hihinging pabor ng mga tinatawag na “powers that be” kung lihis din lang sa umiiral na batas ang ipapakisuyo sa kanya. Congratulation at Mabuhay ka, Gen. Rodolfo Azurin,

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE