Default Thumbnail

Mga pulis ipinakalat sa Kyusi para paigtingin ang seguridad

September 8, 2022 Melnie Ragasa-limena 261 views

PANSAMANTALANG ipinasara ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Brig. Gen. Nicolas D. Torre III ang mga Police Community Precinct (PCP) at ipinakalat ang mga pulis sa kalsada upang matiyak ang seguridad ng mamamayan sa lungsod.

Ang aksyon ni Torre III ay bilang pagtalima sa kautusan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na panatilihin ang “police visibility” sa mga lugar, partikular sa mga paaralan upang maiwasan ang anumang posibleng mangyaring kriminalidad.

“Yung ating mga tao sa opisina ay ibinaba natin sa ganun ay dumami ang mga pulis na nakikita sa kalsada, ito ay pagtalima na rin sa kautusan ng ating DILG. Sa ngayon, ang ating mga PCP ay pansamantalang isinarado sa kautusan ng ating District Director P/Brig. Gen. Nicolas D Torre III sapagkat kailangan natin ng mga tao na magpapatrolya,” pahayag ni Deputy District Director for Operations (DDDO), P/Col. Redrico A. Maranan.

Aniya, inatasan din siya ng QCPD chief na magsagawa ng “sorpresang” inspeksyon sa 16 police stations ng QCPD para personal na suriin kung epektibo ang kanilang ginagawang police work at operations lalo na ang police visibility.

Unang nagsagawa ng inspeksyon si Maranan sa Litex at IBP Rd., Batasan, Quezon City at iba pang “crime prone areas”, major establishments, at places of convergence sa Quezon City.

Ininspeksyon din ang iba pang lugar sa lungsod at walang naitalang mga malalaking insidente.

Layunin din ng inspeksyon na matiyak ang kalinisan at kaayusan ng mga police stations at matugunan ang mga isyu at problema ng mga awtoridad.

Nagbibigay din ito ng dekalidad na serbisyo sa komunidad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mantra ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin, ang “MKK=K” or “Malasakit, Kaayusan at Kapayapaan tungo sa Kaunlaran” at S.A.F.E (Seen, Appreciate, Felt and Extraordinary) program ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/Brig. Gen. Jonnel C Estomo.