Default Thumbnail

Mga pabayang pulis, kinastigo ng NCR Internal Affairs Service (RIAS)

November 29, 2023 Edd Reyes 163 views

Edd ReyesKINASTIGO ng Regional Internal Affairs Service ng National Capital Region (RIAS-NCR) ang mga pulis na nakatalaga sa Custodial Facility ng Valenzuela Police Station dahil sa kanilang kapabayaan sa tungkulin.

Nito lang kasing nakaraang Biyernes, Nobyembre 24, nagsagawa ng sorpresang inspeksiyon ang RIS-NCR sa pangunguna ni P/Lt. Col. Atty. Virgilio Bag-Id, Acting Deputy Regional Director, kasama ang mga tauhan ng IAS ng Northern Police District (NPD), Manila Police District (MPD) Eastern Police District (EPD) at Southern Police District (SPD) sa Custodial Facility ng Valenzuela City Police Station.

Dito ay personal na kinausap ni Lt. Col. Bag-Id ang mga detainees upang alamin kung may reklamo sila sa mga pulis sa naturang police station, kabilang ang paglabag ng mga ito sa karapatang pantao at iba pang reklamo.

Lumabas na sa mahigit 50 detenido, mahigit sa 10 ang may reklamo, na karamihan ay lagpas na sa kanilang sentensiya pero nananatili pa ring nakakulong sa custodial facility. Mayroon nga na tatlong buwan lang ang sentensiya dahil minor lang ang kinaharap na kaso pero anim na buwan ng nakakulong at mayroon pa raw halos isang taon ng nakapiit.

Katuwiran ng mga pulis, wala raw mga kaanak ng mga detenidong natapos na ang sentensiya para mag-asikaso sa kanilang dokumento para sila makalaya pero sinopla ito ni Lt. Col Bag-Id dahil hindi raw dapat ini-aasa ng mga pulis sa kaanak ang pag-aasikaso sa dokumento.

Hindi raw wasto ang ganitong kostumbre at sistema ng mga pulis dahil nakasalalay dapat sa kanilang kamay ang pag-aasikaso at pagpapabatid sa korte na tapos na ang sentensiya ng isang detenido kaya puwede ng bigyan ng release order.

Ayon pa kay Atty. Bag-Id, maaaring kasuhan ng arbitrary detention ang mga pulis kapag ganito ang ipinaiiral nilang sistema dahil lagpas lagpasan na sa panahon ang pananatili ng ilang detenido sa detention facility.

Siguro, kung masasampolan ng RIAS-NCR ang mga pabayang pulis, kikilos na ang mga nakatalaga sa iba’t-ibang detencion facility ng kapulisan para asikasuhin ang dokumento ng mga detenidong napagdusahan na ang kasalanan pero nananatili pa rin sa kulungan.

Mga programa para sa kabataan, inilarga sa Navotas

INILARGA na ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang iba’t-ibang programa at serbisyo ng lokal na pamahalaan para sa kapakinabangan ng sektor ng mga kabataan.

Inaasahang mabebenipisyuhan sa nilagdaang memorandum of agreement ni Mayor Tiangco sa ilalim ng Navotas Scholarship Program ang 21 estudyante para sa school year 2023-24 pati na ang anim na mag-aaral na kuwalipikado sa Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship at ang 15 student artists na pumasa sa mahigpit na proseso ng pagpili na isinagawa ng special screening committees sa iba’t-ibang larangang may kaugnayan sa sining.

Sabi ni Mayor Tiangco, prayoridad pa rin ng kanyang administrasyon ang edukasyon at layunin nilang mabigyan ang mga estudyanteng Navoteño ng mataas na kalidad ng edukasyon para mabuksan ang kanilang oportunidad sa magandang kinabukasan.

Ikinalugod din ng alkalde ang pagtatapos ng 317 mga estudyante sa Navotas Vocational Training and Assessment Institute and Technical Education and Skills Development Authority, kasbay ng pamamahagi niya ng 40 television sets, 287 wall fans and 287 ceiling fans sa mga pampublikong paaralang pang-elementarya at high school.

Kabilang din sa inilargang programa ng alkalde ang pamamahagi ng regalong Pamasko sa may 75 Navoteño child laborers sa ilalim naman ng Child Labor Prevention and Elimination Program ng Department of Labor and Employment.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE