Cayetano

Konektadong Pinoy Act isinumite sa Senado

May 25, 2024 PS Jun M. Sarmiento 106 views

ISINUMITE ni Sen. Alan Peter Cayetano ang Konektadong Pinoy Act sa Senado bilang committee report noong Miyerkules.

Naglalayon ang Senate Bill 2699, na magkasamang isinulong ng Committees on Public Services at Finance, na baguhin ang luma at lipas na regulasyon ng telekomunikasyon ng bansa para maiayon sa pangangailangan ng makabagong panahon.

Bilang chairman ng Senate Committee on Science and Technology, naniniwala si Cayetano na sa pamamagitan ng modernisasyon ng telekomunikasyon, matutugunan ang mga hadlang sa maganda at mabilis na koneksyon tulad ng isyu sa halaga, bilis at accessibility.

“We can no longer afford to be in the dark ages when it comes to the Internet and its accessibility to each and every Filipino,” aniya.

Kasama ni Cayetano ang mga co-authors na sina Sens. Marcos, Gatchalian, Poe, Revilla Jr., Zubiri, Villanueva, Tulfo, Lapid, Estrada, at Legarda para makapagtatag ng komprehensibong connectivity framework sa bansa.

Iminumungkahi ng batas ang apat na pangunahing reporma upang masiguro ang mas maaasahan at abot-kayang koneksyon ng internet para sa lahat.

Layunin nitong gawing mas simple ang proseso para sa mga kompanya ng telekomunikasyon na makakuha ng pahintulot, kung saan hindi na kailangan ang pagkuha ng prangkisang pambatas.

Tunguhin ng pagbabagong ito na pataasin ang kompetisyon, bawasan ang gastos at pagandahin ang kalidad ng serbisyo.

Nakatuon din ang batas sa mas epektibong pamamahala ng radio spectrum upang mapahusay ang serbisyo at mapalawak ang saklaw nito.

Iminumungkahi rin ng batas ang mga kompanya ng telekomunikasyon na magbahagi o maghati sa paggamit ng imprastruktura upang mabawasan ang gastos sa operasyon at mapadali para sa mga bagong kompanya na pumasok sa merkado, lalo na sa mga lugar na kasalukuyang kulang o walang serbisyo ng koneksyon.

Panghuli, nagtatakda ng performance standards ang Konektadong Pinoy Act upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng panukalang batas at maprotektahan ang interes ng mga Pilipino.

Inaasahan ni Cayetano na sa pinahusay na internet, magiging mas madaling ma-access ng bawat Pilipino ang mga serbisyo ng gobyerno at mapapabilis ang bureaucratic process at ang pagkuha ng pampublikong impormasyon.

“The use of present technology affords the government the opportunity to bring itself and its services closer to the people,” wika niya.

Nakatakdang talakayin ng Senado ang Konektadong Pinoy Act sa suporta ng mga ahensya sa pagpapaunlad ng ekonomiya tulad ng National Economic and Development Authority (NEDA).

“We therefore must modernize our digital infrastructure to ensure that all Filipinos have access to, and the use of, affordable, quality and up-to-date information and communication technologies,” sabi ni Cayetano.