Barbers Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

‘LUPAIN NI ONG KUMPISKAHIN’

May 25, 2024 People's Tonight 124 views

Bilyong piso ang halaga

MAGSUSUMITE ng “forfeiture proceedings” sa hukuman ang Land Registration Authority (LRA) katuwang ang Office of the Solicitor General (OSG) upang mabawi ang 320 titulo ng lupa na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso mula sa pinaghihinalaang drug lord na si Willie Ong, ang kaniyang Empire 999 real estate firm at mga kasamahan na gumamit umano ng mga pekeng dokumento para palabasin na sila ay Pilipino at may karapatang mag may-ari ng lupa.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ito ang tiniyak ng LRA at OSG matapos ang naging pagdinig ng House dangerous drugs committee kung saan napag-alaman na si Ong at kaniyang mga kasamahan, na hindi sumipot sa imbestigasyon, ay mga Chinese national na nagpapanggap umano bilang mga Pilipino.

Sinabi ng mambabatas na makailang ulit nang inimbitahan sina Ong at kaniyang mga kasama sa isinasagawang pagdinig ng komite, at bigo pa ring dumalo noong Miyerkules.

Si Ong ang nagmamay-ari ng Empire 999 Realty Corporation at ng warehouse sa Mexico, Pampanga, kung saan nasamsam ang 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon na idineliver noong Setyembre ng nakaraang taon.

Sinabi ni Barbers na ang hakbang ng LRA at OSG ay naglalayong pigilan si Ong at ang kanyang mga kasamahan na ipagbili, ilipat o itago ang kanilang mga diumano’y iligal na nakuhang ari-arian.

Si Ong, na may Chinese name na Cai Qimeng, ay pinaniniwalaang nakalabas na ng bansa noong Oktubre 2023 gamit ang kaniyang Chinese passport gamit ang kaniyang tunay na pangalan.

Hindi naman matukoy ang kinaroroonan ng iba pang Chinese associates ni Ong na kinilalang sina Aedi Tai Yang, Jack Tai Yang, Michelle Santos Sy, Elaine Chua at iba pa.

“They own 55% of Empire 999 Realty Corporation, which is in direct violation of the constitutional limitation of the 60-40 equity,” ayon kay Barbers.

“Since Willie Ong and company are not Filipinos, their Philippine passports must be immediately canceled by the Department of Foreign Affairs while Empire 999 Realty Corporation’s SEC registration be revoked and the corporation dissolved,” sabi ni Barbers.

Sinabi ni Atty. Salvalente Elizalde, chief ng LRA Legal Division, sa pagdinig na irerekomenda ng kanilang tanggapan sa OSG ang pagsasampa ng adverse claim sa korte para sa pagkumpiska ng mga ari-arian ni Ong at ng kaniyang mga kasamahan.

“Kailangang may kaso sa court. However, we commit right now that we will monitor the properties,” ayon kay Elizalde sa ginanap na pagdinig ng komite kung saan kabilang din sa mga dumalo sina Antipolo City Rep. Romeo Acop, Laguna Rep. Dan Fernandez at Abang-Lingkod Party-list Rep. Joseph Paduano.

“Kailangan natin na maipaalam sa publiko na kwestyonable ang mga ito at mabigyan din ng proteksyon ang sinuman na kanilang pagbebentahan nito. At dapat malaman din natin kung paano nila binili ang mga properties na ito, gaano kalalaki ang mga ito, binayaran ba nila ang mga ito ng cash, through the banks, o gumamit sila ng laundered money that are proceeds from their drug business or other illegal transactions,” pagbibigay diin naman ni Barbers.

Kung nagawa umano ni Ong at ng kaniyang kompanya na makabili ng mga public lands, kinakailangan ng LRA at OSG na magsagawa ng reversion proceeding. Ito ay isang pamamaraan kung saan ang Estado ay magtatangkang ibalik ang lupa sa public domain at ang tamang proseso kapag ang pampublikong lupain ay naipagkaloob at naipagbili o “fraudulently awarded” sa mga pribadong indibiduwal o korporasyon.

Ayon sa datos ng LRA, ang Empire 999 ay nakabili ng 41 titled land holdings; si Ong ay may 59; Aedi Tai Yang ay may 11; Jack Tai Yang, 15; Michelle Santos Sy, 72; Elaine Chua, 75; Albert Valdez Sy, 22; Na Wang, isa; Ana Ong, 10; Ana Ang, lima; Cai Quimeng, ang Chinese name ni Willie Ong, anim; at James Valdez na nakabili naman ng tatlong lupain.

Si Ong, at ang kaniyang Empire 999 Realty firm, at mga kasamahan ay nakabili ng malawak na lupain sa Mexico, San Fernando at Angeles City sa Pampanga; Nueva Ecija, Cabanatuan City, Aurora province, Bulacan, Cavite City, Tagaytay City, Iloilo City, Lingayen sa Pangasinan, Mandaue City, Lapu-Lapu City, Valenzuela City, Quezon City, Rizal, Muntinlupa City, Taguig City, Makati City, Malabon, Parañaque City, Manila City, Davao del Norte, Isulan sa Sultan Kudarat at Tabuk, Kalinga Apayao.

Ang lahat ng mga ari-ariang ito ay napag-alaman ding may kaugnayan umano sa iba’t ibang kompanya naman na pag-aari ng isa pang pinaghihinalaang drug lord na si Michael Yang, na una nang itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang presidential economic adviser sa kanyang termino.

Si Michael Yang, na ilang beses na ring inimbitahan ng komite ngunit hindi dumalo sa pagdinig, ay tinukoy ni dating anti-drug law enforcement officer Col. Eduardo Acierto at whistle-blower Arturo Lascañas bilang drug king pin diumano na nakabase sa Davao City.

AUTHOR PROFILE