Caballero Nasa larawan ang blurred mugshots ng dalawang lalaking nahuli sa bisa ng arrest warrant dahil sa kasong carnapping at isang lalaking may kasong frustrated murder na nagtago ng higit pitong taon sa batas. Sinabi ni Nueva Ecija top cop Col. Richard Caballero na mananatiling masigasig ang kapulisan sa pagsugpo ng kriminalidad sa lalawigan kabilang ang pagtugis sa mga most wanted persons. Kuha ni. STEVE A. GOSUICO

Ecija most wanted nagtago ng 7 taon, huli

June 17, 2024 Steve A. Gosuico 198 views

CABANATUAN CITY – Matapos ang higit pitong taong pagtatago sa batas, nahulog sa kamay ng mga awtoridad ang isang most wanted person na may kasong frustrated murder sa isinagawang manhunt operations sa Talavera, Nueva Ecija noong Sabado.

Samantala, dalawa pang most wanted felons na tinaguriang mga hinihinalang carnappers ang nahuli din sa Quezon at Santo Domingo sa magkahiwalay na accomplishment reports na isinumite kay Nueva Ecija top cop, Colonel Richard V. Caballero sa provincial police headquarters dito.

Sa Talavera, kinilala ng bagong-talagang hepe ng pulisya na si Lt. Col. Manny E. Israel ang naarestong most wanted na lalaki na isang 40-anyos na residente ng Bgy. Calipahan, tinaguriang number 9 most wanted person ng bayan.

Sinabi ni Israel na ang suspek ay natimbog sa Bgy. Esguerra District matapos isilbi laban sa kanya ang alias warrant for frustrated murder alas-8:20 ng umaga.

Ang warrant of arrest ng suspek ay ipinalabas ng Baloc, Santo Domingo Regional Trial Court Branch 37 noong Mayo 29, 2017 na may inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan na itinakda sa P200,000.

Sa Quezon, sinabi ni police head Major Angelito A. Manalastas na nagsagawa ng police operation ang kanyang mga tauhan sa Bgy. Ilog Baliwag na nagresulta sa pagkakaaresto sa 34-anyos na suspek alas-7:35 ng umaga.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng arrest warrant dahil sa paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 na inisyu ng Guimba regional trial court branch 31 na may inirekomendang piyansang P200,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Sa iba pang kaso ng carnapping, tinukoy ni Santo Domingo police head Major Sandy C. Bautista ang naarestong wanted na lalaki bilang 44-anyos na suspek, na nahuli sa isinagawang manhunt operation sa kanyang hideout sa Bgy. San Vicente, Gapan City dakong 11:30 a.m.

Ang inarestong suspek ay mayroong outstanding warrant para sa paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 na inisyu ng Baloc, Santo Domingo regional trial court branch 88 na may inirekomendang piyansang itinakda sa P80,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

AUTHOR PROFILE