Default Thumbnail

Kaso ng Influenza-like Ilnesses, tumaas!

November 29, 2023 Vic Reyes 127 views

Vic ReyesMATATANDAAN na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na kumitil sa maraming buhay at nagpabagsak sa ekonomiya ng maraming bansa sa mundo ay nagsimula sa China.

At ngayon, meron na namang balitang may mataas na kaso ng ILI ((influenza-like illnesses) sa Hilagang China.

Ang sitwasyon sa Tsina ay closely-monitored ng Department of Health (DOH), ayon kay Health Undersecretary Eric Tayag.

Sinabi pa ni Tayag, na nagsisilbing spokesman ng DOH, na nakapagtala na sila ng 200,000 kaso ng ILI sa buong bansa.

Ayon pa kay Tayag, hamak na malaki ang bilang na ito kumpara sa karaniwang 90,000 naitatala na “respiratory illnesses” tuwing panahon ng taglamig.

“Dati rati nasa 90,000 lang sa panahon na ito” ang naitatala sa Pilipinas.

Pero niliwanag pa ng opisyal ng DOH na hindi naman lahat ng ito ay influenza dahil ang ilan naman ay COVID-19 pala.

Pinayuhan pa ni Dr. Tayag ang mga magulang na ipa-check-up kaagad ang mga anak na nagpapakita ng sintomas ng ILI.

Lalo na ang mga batang may edad na tatlong buwan pababa.

Dagdag pa ni Undersecretary Tayag, dapat maisalalim agad sa test ang pagkakasakit ng mga bata, lalo na sa ubo at sipon.

***

Bukas, Biyernes ay Disyembre na.

Kung baga sa Philippine Basketball Association (PBA), “LAST THREE MINUTES.”

Kailangang gawin lahat ng mga player ang kanilang magagawa para makahabol o mapanatili ang kanilang kalamangan bago matapos ang laro.

Ganyan ang magiging sitwasyon simula bukas, Disyembre 1, diyan sa aduana.

Kayod-kalabaw ang gagawin nina BOC Chief Bienvenido Y. Rubio para maabot o malampasan ang kanilang napakataas na 2023 collection target.

Ang national government-imposed collection target ng Bureau of Customs (BOC) sa taong ito ay tumataginting na P901.3 bilyon.

Sa tingin naman natin, kayang abutin ng mga taga-BOC ang assigned tax take nila.

Medyo kasi gumanda na ang takbo ng ekonomiya natin pagkatapos ng dalawang taong pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo, kasama na ang Pilipinas.

Marami ding programa at proyekto ang inilatag ni Commissioner Rubio para matakpan ang revenue leakages

***

Matutuldukan na kaya ang communist armed conflict sa Pilipinas?

Ito ang malaking katanungan ngayon pagkatapos na magkasundo ang gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na magkaroon ng “principled and peaceful resolution” ang sigalot.

Ang NDFP ang siyang political wing ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Marami ang naniniwala na ang makasaysayang deal ay inaasahang magwawakas sa 55-year-old communist rebellion sa ating bansa.

Ang deal ay nakapaloob sa tinatawag na Oslo Joint Communique na pinirmahan ng gobyerno at NDFP noong Nobyembre 23 sa Norway.

Nakapaloob sa communique na may “need to unite as nation,” ayon kay Presidential Peace Adviser Carlito Galvez, dating hepe ng Armed Forces of the Philippines.

Ayon pa kay Galvez, ang joint statement ay produkto ng “series of informal discussions held in the Netherlands and Norway, starting in 2022.”

Sa dami ng ating mga problema, dapat matapos na ang communist rebellion sa bansa para makapag-focus tayo sa socio-economic development.

Tama ba kami, Pangulong Ferdinand “Bongbong” R.Marcos Jr.?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484 email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE