Vic Reyes

Grabeng krisis ang naghihintay

May 5, 2024 Vic Reyes 60 views

SA nakaraang selebrasyon ng “Araw ng Paggawa” (Labor Day), maraming nanawagan na dapat itaas ang suweldo sa pribadong sektor at gobyerno.

Sa pampublikong sektor, na kagaya ng Bureau of Customs (BOC), isang ahensya na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF), ay nanawagan rin na itaas naman kahit papaano ang kanilang sahod.

Lalo na ang mga opisyal at empleyado na naatasang magbantay sa pagpasok ng mga importasyon.

Marami kasing mga shipment na naglalaman ng mga kontrabando ang gustong ipalusot ng mga ismagler sa pamamagitan ng technical smuggling.

Mas gusto kasi ng mga ismagler na magparating ng kontrabando sa pamamagitan ng tinatawag na technical smuggling.

Mas magastos kasi ang outright smuggling fahil kailangang gumamit ka ng sarili mong barko o eroplano.

Kaya palaging alerto ang mga taga-BOC para hindi sila mapalusotan ng mga “highly-enterprising” at erring businessmen.

Hindi puwedeng kampante ang mga men and women in customs uniform dahil marami tayong kababayan ang mapapahamak sakaling makalusot ang mga droga.

Ang mga taga-BOC ang sisisihin ng taumbayan sakaling makalusot ang mga kontrabando.

Kaya nararapat lamang na bigyan natin ng tamang suweldo at sapat na proteksyon ang mga kaibigan natin sa aduana.

Hindi sila kagaya ng maraming lingkod-bayan na puwedeng magpa-easy-easy lang sa trabaho.

Sila ay kailangang regular na dumalo ng mga workshop o seminar para ma-update ang kanilang kaalaman sa pagbaka ng ismagling.

Sobrang enterprising na ang mga iligalista sa aduana.

Aminado tayo na may mga bugok pa diyan sa aduana na dapat matanggal na serbisyo kaysa taasan pa ang suweldo.

Iilan lang naman sila pero sila ang sumisira sa imahe ng gobyerno.

Ang karamihan namanay masisipag, matitino at handang mag-serbisyo ng tapat kahit mababa lang sahod.

Sila ang dapat alagaan ng gobyerno dahil nasa kamay nila ang susi para lumaki ang revenue collection ng BOC.

Huwag nating kalimutan na kailangan ng gobyerno ang sapat na pera para pondohan ang mga programa nito.

Kayang-kaya ng mga taga-BOC na abutin at lampasan pa ang kanilang P1 trillyung assigned tax take sa taong ito.

Ang kailangan lang suporta ng gobyerno at tulong ng taumbayan sa mga magigiting na opisyal at tauhan ng BOC.

Tama ba kami, Finance Secretary Ralph Recto at Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio?

***

Kung magtatagal pa itong tagtuyot na dulot ng El Nino weather phenomenon ay “grabeng krisis” ang naghihintay sa bansa.

Ayon nga sa balita, may mga namatay na sa Pilipinas dahil sa sobrang init ng panahon.

Maraming tanim na ang nalalanta dahil sa kawalan ng ulan sa ibat-ibang parte ng bansa.

May mga lugar na tuyong-tuyo na ang mga ilog, sapa at maliliit na dam na pinanggagalingan ng irrigation water.

Mabuti naman at araw-araw na naglalabas ang PAGASA ng listahan ng mga lugar na puwedeng umabot sa dangerous levels ang “heat index.”

Nakapaghahanda ang mga nakatira sa mga lugar na ito.

Ang iba ay nagpupunta sa mga shopping mall at dito nagpapalipas ng oras.

Ang iba naman ay nagpupunta na sa mga lugar na may mga puno at iba pang halaman.

Lalo na ang mga matatanda, bata at may sakit na hika. Mahirap talaga ang ma-heat stroke.

Kung gabi naman ay marami na ang natutulog sa labas ng bahay, lalo na ang mga bahay na wala man lang kahit maliit na electric fan.

Ang nanyayaring tagtuyot ay sagabal sa kagustuhan nating magkaroon ng food security sa bansa.

Hindi ba, Pangulong Marcos?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa 0927-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang tunay na pangalan at tirahan).

AUTHOR PROFILE