Default Thumbnail

Mga mahal nating pumanaw ginagawang katatakutatan

October 31, 2021 Joey C. Papa 229 views

JoeyTaon-taon kong tinatalakay ang paksang ito sa tuwing sasapit ang Undas. Limitado ang pagpunta ngayon sa mga sementeryo pero di ko alam kung makakadiskarte ngayon ang mga kababayan natin na kilala sa pagiging maparaan o maabilidad.

Ang lagi kong pinupuna ay ang ginagawang katatakutan ang mga namayapa tuwing Undas. Makikita ito sa mga palabas sa telebisyon at kahit ang mga lumang pelikula ay paulit-ulit na ipinalalabas na ang karamihan ay tungkol sa mga aswang, bampira, at kung anu-ano pang mga tauhan na namatay at nagbangong muli at pumapatay ng mga buhay na tao. Parang mga zombie!

Nakakatakot ba ang mga mahal nating pumanaw na? Hindi ba’t taon-taon o ang iba ay lingguhan pa nga ang pagdalaw sa kanilang mga yumao

Ang ginagawa ng mga buhay sa kanilang mga mahal na yumao ay ipinagdarasal ang kanilang mga kaluluwa at pananahimik ng mga ito. Hindi naman sila nagtatakutan.

Ang ilan ay ipinamamalas, ipinararamdam ang patuloy nilang pagmamahal sa mga mahal na yumao kahit wala na sila sa mundong ito.

Bakit ginagawang katatakutan ang mga mahal na yumao at talagang isinasabay pa ang mga nakatatakot na mga palabas, programa sa paggunita sa Undas.

Lumalabas na ang Undas para sa iilan ay hindi paggunita kundi pagkakitaan ang kanilang mga alaala. Binago ang karakter ng pagmamahal. Naging nakatatakot na ang mga mahal na yumao,

Kopyang-kopya ito sa mga kanluraning bansa na ginagawa ang Halloween nila tuwing Undas. Maging ang ilang pelikula nito ay mga katatakutan din. May ilang komunidad ng mga mayayaman ang ginagawa ang Halloween dito sa ating bansa. Naka-costume pa sila.

Parang mas mainam pa nga ang Halloween party dahil hindi naman sila nananakot at kadalasang mga bata ang umiikot sa mga bahay-bahay sa isang mayamang komunidad.

Ngunit ang karamihang mga Pilipino ay ang pagpunta sa mga sementeryo ang akmang paggunita sa Undas. Dito ay ipinagdarasal nila ang mga mahal na yumao.

Bago ang Undas ay nililinis, pinipinturahan na nila ang mga nitso. Binubunot ang mga damo na tumubo sa paligid nito.

Mapalad ang mayayaman na may mga museleo at halos parang bahay na ang libingan ng kanilang mga yumao. May sariling kusina, kasilya at may tulugan din.

Ang mga nitso ay napapaligiran ng mga upuan para sa mga kaanak na magpupunta.

Ang iba pa nga ay may air-condition pa ang mga museleo! At may nag-aalaga pa nito tuwing di panahon ng Undas.

Subalit ang pinakamahalaga ay ang pagdarasal ng mga kaanak para sa mga yumao nila. Ito na rin ang nagsisilbing panahon ng mga magkakamag-anak na matagal nang hindi nagkita. Reunion daw. Naranasan ko na rin ito noong bata pa ako.

May ilan pang masisipag ang nililibot pa ang sementeryo dahil alam nilang may nakalibing silang kamag-anak doon at magkikita na silang mga buhay pang magkakamag-anak.

Ngayong Undas, mataimtim nating ipagdasal ang kapayapaan ng mga mahal nating yumao lalo na ang mga pumanaw sa panahon na ito ng pandemic o krisis sa covid 19.

Hindi nakatutuwa ang dinaranas ng bansa at ng mundo sa krisis ng covid 19. Ipagdasal nating mawala na ito agad upang manumbalik ang normal nating pamumuhay nang walang takot.

AUTHOR PROFILE