Default Thumbnail

Menor na PWDs, posibleng bigyan ng allowance sa Maynila

May 24, 2023 Edd Reyes 228 views

MALAKI ang posibilidad na makasama na sa pagkakalooban ng buwanang allowance ang mga menor-de-edad na kabilang sa mga persons with disability (PWD) upang makatulong sa pagpapagamot ng kanilang karamdaman.

Ito ang ibinahagi ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso nang magtanong ang isang ina na may menor-de-edad na anak na cancer patient sa ginanap na “Kalinga sa Maynila,” Miyerkules ng umaga sa Sagrada Familia at Agata Streets, Barangay 763 at 764 sa San Andres.

Ayon kay Fugoso, sa ilalim ng umiiral na ordinansa, nabibigyan lamang ng PWD ID ang mga menor-de-edad na may karamdaman at hindi sila kuwalipikadong tumanggap ng allowance bagama’t sa kanyang pagkakaalam, ipinapaayos na ni Mayor Honey Lacuna-Pangan sa Konseho ang batas na nagbibigay ng allowance sa mga PWD na mga senior citizen.

Kinumpirma naman ni Mayor Lacuna-Pangan ang pahayag ni Fugoso na labis na ikinagalak ng mga magulang ng mga batang dumaranas ng malubhang sakit at kabilang sa mga PWD.

“Nagkausap na po kami ng City Council sa pamumuno po ni Vice Mayor Yul Servo Nieto na kung pupuwede nilang amiyendahan yung ginawa po nating batas na maisama na yung ating mga PWD na mga minors na mapagkalooban ng allowance kasi marami sa ating mga minors ang may malulubhang sakit,” pahayag ng alkalde.

Kaugnay nito, inianunsiyo rin ng alkalde na nilagdaan na niya, nito lamang nakaraang linggo, ang payroll na nakalaan bilang allowance ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad De Manila (UDM) para sa buwan ng Pebrero, Marso, at Abril.

AUTHOR PROFILE