Default Thumbnail

‘Mega Job Fair’ ilulunsad ng Maynila sa Mayo 1

April 29, 2023 Edd Reyes 161 views

HUMIGIT-kumulang sa 15,000 trabaho ang naghihintay sa mga aplikante sa gaganaping “mega job fair” na itataguyod ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila kaugnay sa pagdiriwang ng Labor Day (Araw ng Paggawa) sa Lunes, Mayo 1, sa San Andres Sports Complex sa San Andres, Maynila.

May temang “MANILAbor Day: Buhay at Kabuhayan tungo sa Maringal na Maynila,” nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga naghahanap ng trabaho na lumahok sa “MANILAbor job fair” na isa sa mga itinuturing na pinakamalaking mega job fairs na idaraos sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.

Sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE), sinabi ni Public Employment Service Office (PESO) Director Fernan Bermejo, na siyang nag-organisa sa naturang job fair na may 103 mga kumpanya ang lalahok sa naturang aktibidad.

“Upang masigurado po natin na yung mga pupunta po doon ay siguradong may trabahong makukuha, yung mga job vacancies na pinipili at ibinibigay natin ay para po sa mga undergraduates, college level, high school graduates, tech-voc and skill graduates. Hindi naman po matataas ang kailangang educational attainment para makapag-avail sa mega job fair,” paliwanag ni Bermejo.

Nilinaw rin ni Bermejo na dahil may umiiral na PESO Association sa Metro Manila sa Lunes, hindi lamang sa mga residente ng Maynila ang isasagawa nilang mega job fair kundi sa mga mamamayan din ng kalapit na lungsod. “Pero priority po ang atin pong mga kababayan na taga-Lungsod ng Maynila,” dugtong niya.

Sinabi naman ni Mayor Honey na ngayon lang naman nagkaroon ng PESO sa Lungsod ng Maynila matapos na ipanukala at isulong ito ni Konsehal Ernesto Isip, Jr.

“Wala pa po tayo talagang PESO, kaya lang, yun pong dating boss ni Director Bermejo na si Konsehal Isip, siya po ang nagsulong na magkaroon po tayo ng PESO,” pahayag ng alkalde.

“I want to congratulate you and your office dahil ng magsimula pong maungkulan si Director Bermejo, naging very active ang ating PESO sa paghahanap ng oportunidad na makahanap ng trabaho ang mga Manilenyo. In fact hindi lang naman po mga Mega Job Fairs ang meron tayo, mayroon din po tayong regular job fair sa Kalinga sa Maynila, Trabaho tuwing araw ng Sabado sa pampublikong paaralan at ang araw-araw na special recruitment activity sa Park N’ Ride sa Arroceros,” sabi pa ni Mayor Honey.

AUTHOR PROFILE