Default Thumbnail

5 huli sa pot session; droga, armas nabawi

April 29, 2023 Edd Reyes 247 views

ILIGAL na droga, granada, at baril ang nakumpiska ng pulisya sa limang umano’y gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na nahuli sa aktong nagsasagawa ng “pot session” Sabado ng madaling araw sa Taguig City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, ang mga nadakip na suspek ay pawang mga residente ng PNR Site, Barangay Western Bicutan.

Sa ulat na tinanggap ni Kraft, nagsasagawa ng “Oplan Galugad” ang mga tauhan ng Western Bicutan Police Sub-Station-2 dakong alas-3:30 ng madaling araw nang matiyempuhan nila ang mga suspek habang abala sa ginagawang pot session sa Purok 7, PNR Site.

Hindi na nagawang makatakas pa ng mga suspek nang mapagsalikupan na sila ng mga pulis kaya’t nabigo na nilang maitago ang mga nakumpiskang droga na tinatayang nasa 16.5 gramo na may katumbas na halagang P112,200, pati na ang mga drug paraphernalia.

Nakuha naman sa dalang bag ng isa sa mga suspek ang isang kalibre .45 baril na may magazine na kargado ng tatlong bala at isang granada.

Ayon kay Kraft, natuklasan sa ginawang pagsisiyasat sa katauhan ng mga nadakip na may dalang baril na siya umano ang may kagagawan ng serye ng pamamaril sa PNR Site sa Bgy. Western Bicutan.

Mahaharap ang limang nadakip sa kasong paglabag sa RA (Republic Act) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang karagdagang paglabag naman sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at illegal possession of explosive sa Taguig City Prosecutor’s Office.

Sinabi ni Kraft na kapag lumutang na ang pamilya ng mga nabiktima umano ng suspek na nahulihan ng baril na itinuturo sa serye ng pamamaril, panibagong kaso pa ang ihahain laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE