Lacuna1

Mayor Honey, VM Yul Servo, dumalo sa commencement rites ng UdM

July 21, 2022 Edd Reyes 771 views

NAGBIGAY ng kanyang makabuluhang pananalita si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa mahigit 2,600 na estudyante na nagtapos ng kanilang pag-aaral sa Universidad de Manila (UdM) Miyerkules ng hapon na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Sa kanyang pagsasalita, pinaalalahanan ni Mayor Honey ang mga nagtapos na estudyante na hindi ito isang uri ng “pagsasara” kundi simula ito ng pagbubukas ng panibagong yugto ng kanilang buhay.

“Hinamon tayo ng pandemiyang ito na tanggapin ang mga makabuluhang pagbabago sa mga pamantayan ng ating pang-araw-araw na pamumuhay. Lalo tayong pinatatag sa pagharap sa mga kalamidad, trahedya, kaguluhan, at lahat ng kahirapan,” pahayag ng alkalde.

“Patuloy tayong nanindigan at itinaas ang ating mga ulo upang ituloy ang ating mga layunin at maabot ang ating mga pangarap,” dagdag pa niya.

Pinayuhan din niya ang mga estudyante na yakapin at pasalamatan ang kanilang mga magulang o tagapag-alaga dahil wala sila sa kanilang kinalalagyan kung hindi dahil sa kanila.

“Ngayon na ang panahon upang ganap na ninyong maitaguyod ang inyong sarili at mahanap ang pinaka-angkop na lugar ninyo sa ating lipunan ayon sa inyong mga napiling larangan,” sabi pa ng alkalde.

Ang ika-24 na commencement exercise ay kinabibilangan ng mga nagtapos sa Colleges of Arts and Sciences, Business Administration, Criminal Justice, Law, Education, Engineering and Technology, Health Sciences, at Institution of Graduate and Professional Studies.

Dumalo rin sa makasaysayang okasyon ng pagtatapos ng mga estudyante sa naturang unibersidad si Manila Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto upang maghatid ng kanyang pagbati.

AUTHOR PROFILE