Tondo

1 patay, marami naospital matapos kumain ng ‘mami’

July 21, 2022 Jonjon Reyes 495 views

FDA, MHD nagsasagawa ng imbestigasyon

ISANG 43-anyos na ginang ang nasawi at marami ang naospital matapos umano kumain ng mami Miyerkules ng umaga sa Tondo, Manila.

Kinilala ang nasawi na si Josephina Manila 43.

Ang mga naospital ay nakilalang sina Eliza Mae Alde,14; Jimmy Rebaya,52; Althea Jade Cabandi,16; Kean Dave dela Cruz,5; Roldan Queen Gar Alde 11, Aliyah Cabandi,1;; Rose Carla Atenta,18; Ronnie Tante,12; Inez Cabandi,57; Isidro Biano Jr.,28; Irma Rivera,68; Mark Anthony Balaroyos,14; Nerliza Picao,35; at Levita Manila,70..

Ayon sa FDA, susuriin kung ang kinaing mami ng mga biktima ang naging sanhi ng umano’y food poisoning.

Ayon sa ulat na nakalap ni PLt. Col. Gene Lucud, Manila Police District Station 1commander, nakatanggap sila ng tawag sa mga kasong food poisoning sa Gagalangin, Tondo.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisys kung saan isinugod sa Tondo Medical Center ang mga biktima.

Ang mga biktima ay nahilo at nagsuka matapos umano kumain ng mami.

MHD magsasagawa ng sariling imbestigasyon

Samantala, nagsimula ng magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Manila Health Department (MHD) kaugnay sa napaulat na food poisoning cases.

Ayon kay MHD City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) chief Dr. Jesse Bermejo, nakakolekta na sila ng pagkain na hinihinalang dahilan ng pagkakalason upang ipasuri sa laboratory batay na rin sa pakikipag-ugnayan nila sa Department of Health (DOH) Regional Epidemiology Surveillance Unit, Research Institute for Tropical Medicine (RITM) and Philippine National Police (PNP).

Natanggap aniya nila ang ulat ng food poisoning mula sa DOH Regional Office dakong alas-2:30 ng hapon kaya’t kaagad silang nagpadala ng isang grupo sa Tondo Medical Center upang kumolekta ng pagkain na kanilang isinumite para sa laboratory analysis.

Sa kanilang panayam sa mga isinugod na pasyente, dakong alas-10 ng umaga nang kumain sila ng itinitindang chicken mami sa isang maliit na karinderiya sa bangketa sa Gagalangin, Tondo.

Makaraan ang tatlong oras ay nakaramdam na sila ng pagkahilo, pananakit ng ulo at pagsusuka na sintomas ng pagkalason.

Umabot sa kabuuang 16 na katao ang isinugod sa naturang pagamutan, kabilang ang mag-asawang nagbebenta at nagluluto ng chicken mami.

Sa pahayag ng MHD at ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, nakikisimpatiya sila sa mga naapektuhang pamilya sa naturang trahedya na nagbunga ng pagkamatay ng isang babae.

Nakikidalamhati sila sa pamilya ng nasawa dahil sa maagang pagpanaw sanhi ng insidente.

Kaugnay nito, nagsimula namang mamahagi ng food packs sa mga apektadong pamilya ang tanggapan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) bilang suporta sa kanilang sinapit na karanasan.

Sinabi ni MDSW Director Maria Asuncion “Re” Fugoso na inatasan na rin sila ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na kung kinakailangan ay bigyan ng tulong pinansiyal ang mga biktimang nananatili pa sa pagamutan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Handa rin ang MDSW na magbigay ng kaukulang tulong sa pamilya ng nasawi para sa pagpapalibing sa kanilang mahal sa buhay. Nina JONJON REYES & EDD REYES

AUTHOR PROFILE