Ambush

‘Lookout’ sa ambush ng tabloid fotog, huli

May 15, 2024 Melnie Ragasa-limena 57 views

NADAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagsilbi umanong lookout sa pananambang at pagkasugat ng photographer ng pahayagang Remate na si Joshua Abiad at apat pang kamag-anak nito at pagkasawi ng kanyang pamangkin noong 2023 sa Brgy. Masambong, Quezon City.

Ayon kay QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit chief PMaj. Don Don Llapitan, ang suspek na si Jomari Campillo, 25, residente ng Brgy. Cembo, Makati City ay itinuturing din na No. 9 most wanted sa district level.

Dinakip si Campillo sa harap ng Quezon City Hall of Justice, Brgy. Central, Quezon City dakong alas 12 ng tanghali kamakalawa matapos ang kanyang hearing sa kasong illegal possession of firearms.

Nakapagpiyansa si Campillo sa nasabing kaso.

Subalit nitong Martes, pagkatapos ng pagdinig sa kaso, agad inaresto si Campillo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng QC Regional Trial Court Branch 86 para sa kasong frustrated murder.

Ito’y bunsod ng pagkakasangkot sa pamamaril kay Abiad noong Hunyo 29 sa Corumi St., corner Gazan St., Brgy. Masambong, Quezon City dakong alas 3 ng hapon.

Magugunitang tatlo pang kaanak ni Abiad ang sugatan habang namatay ang 4 anyos na pamangkin nito.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa iba pang kasabwat umano ng naarestong suspek.